Dear Dr. Love,
Kay pait ng buhay-kasaysayan ko, Dr. Love. Uli-lang lubos na ako at ang tanging survivor sa pamilya ko ay ako at ang aking kapatid. Mahal na mahal ko ang aking bunsong kapatid at pinapag-aral ko ng kursong merchant marine. Gusto ko siyang pumasok na seaman na kagaya ko.
Nang umuwi ako three years ago ay nag-asawa na ako. Pero matapos ang limang buwan ay puma-laot uli ako sa karagatan. Gusto kong makapag-impok ng malaki para sa kinabukasan ng pamilya ko.
Naiwan ko ang misis ko sa aming tahanan na roon ay nakatira rin ang aking kapatid. Pero sobrang sakit ng aking sinapit. Nalaman ko after two years, na nagkarelasyon ang aking misis sa aking kapatid. Akala ko ay tsismis lang.
Para sa ikapapanatag ng aking ng damdamin, bumalik ako ng Pilipinas at doon ko nakumpirma na totoo ang nasagap kong balita. Buntis ang misis ko at ang ama ay ang aking kapatid.
Hindi ko maintindihan ang aking damdamin. Mahal ko ang aking kapatid pero kasabay nito ay ang matindi kong pagkapoot sa kanilang dalawa. Pinalayas ko ang aking asawa pero kahit mabigat sa kalooban ko ay pinatawad ko ang aking kapatid.
Nag-file ako ng annulment at hindi ko tiyak kung makasasakay pa ako ng barko. Ang problema ko ay kung paano ko ganap na mapapatawad ang aking kapatid sa kabila ng ginawa niya sa akin.
Drigo
Dear Drigo,
Ang sakit na idinulot sa iyo ng kapatid mo ay hindi madaling mawala. Pero kapatid mo siya at ang pagpapatawad ay isang dakilang desisyon sa iyong panig.
Isaisantabi ang emosyon at patawarin mo ang kapatid mo bilang pagtalima sa tagubilin ng Diyos.
Pasasaan ba at ang sugat ay maghihilom din. Isipin mo na dadalawa na lang kayong magkadugo sa mundong ito, kaya pahalagahan mo ang inyong relasyon bilang magkapatid. Tagubilin ng Diyos na tayo ay magpatawaran.
Ilagak mo na sa iyong likuran ang hindi magandang nakalipas at buksan ang isang bagong kabanata ng iyong buhay.
Dr. Love