Dear Dr. Love,
Ako po si Venus. Gusto ko lang iparating sa mga kamag-anak ng mister ko na huwag silang makialam sa buhay ng may buhay.
Eh, ano ngayon kung mahilig ako sa mga branded at mamahaling gamit? Ako naman ang bumibili ng mga ‘yun. Kung naiinggit sila, bumili rin sila ng mamahaling gamit nila.
Kasi wala silang pambili kaya nagagalit sila sa akin. Ang kakapal pa ng mukhang mangutang tapos ako pa ang sinisiraan kapag wala silang pambayad!
Ayoko sana silang patulan, pero napipikon na ‘ko. Kahit saan pa kami makarating, wala silang pakialam kung ano ang gusto ko sa buhay namin.
Ito naman kasing mister ko, walang lakas ng loob na sabihan ang kanyang mga kapatid.
Sila itong ang tatamad at puro asa na lang ang ginawa sa mister ko. Tapos ako ang masama. Nakakairita na talaga.
Alam ko naman na hindi nila deserve ang patulan ko sila. Hindi nila alam, ako lang ang nagtitiyaga sa kuya nila. Kahit alam kong magiging problema namin ang estado ng aming buhay.
Habang nawawalan na ng pag-asa ang kuya nila, ako ang nanindigan para sa kanya. Ayoko ng ikwento ang nangyari sa mister ko.
Mahal na mahal ko siya.
Bakit ganun pa sila makahusga sa akin?
Venus
Dear Venus,
May iba’t ibang pananaw ang tao na dapat nating irespeto. Nasasabi mo ang mga bagay na ‘yan dahil sa ikaw ‘yan. Iba rin ang kanila.
Walang katapusang gulo ang nililikha ng pride. Pero sa gitna ng lahat, kailangan may isang uunawa.
Minsan nakakalimutan natin na mas mahalaga ang tao, kaysa sa kayamanan. Hindi ito usapin kung sino ang mas nakakaangat o hindi.
Gusto ko lang na maunawaan mo na kailangan din ang makibagay at sikapin na makitungo ng maayos lalo na sa kamag-anak ng mister mo.
Kung ayaw nila ng ganun, wala tayong magagawa. Ang mahalaga, wala silang masasabi sa’yo kung sisikapin mo na maging mabuti ka pa rin sa kanila.
Bigyan natin ng halaga ang ating pagkatao, kaysa sa mamahaling gamit o kayamanan.
DR. LOVE