Dear Dr. Love,
Lagi akong tampulan ng kantiyaw ng aking mga kaibigan at ilang kamag-anak. Under de saya raw ako. Mula pa nang nililigawan ko ang asawa kong si Leah, mahal na mahal ko na siya. Nature niya ang pagiging matampuhin. Sa tuwing magtatampo siya ay sinusuportahan ko naman lagi hanggang mapawi ang galit niya.
Hindi ako nagkamali sa pagpili sa kanya. Naging ulirang asawa siya. Laging maayos ang tahanan namin at mahusay siyang magdisiplina at mag-aruga sa aming mga anak. Iyan ang dahilan kung bakit napamahal siya ng husto sa akin. Wala namang masama sa mga hinihingi niya sa akin, kaya walang dahilan para hindi ko sundin ang kanyang gusto.
Noong araw, iresponsable ako. Mahalaga sa akin ang barkada, kaya kasama ako sa lahat ng gimikan. Nang mag-asawa ako ay maaga akong umuwi. Dati hindi ako nawawala inuman. Madalas, ako lagi ang taya. Nagbago ang lahat ngayon, kaya tinatawag nila akong “takusa” o takot sa asawa.
Nasasaktan din ako sa mga patutsada pero pinalalampas ko na lang. Minsan, napipikon na ako pero pinipilit kong magtimpi. Natatakot ako na baka bumigay ako isang araw at magwala dahil sa mga panunudyo nila sa akin. Pagpayuhan mo ako.
Berting
Dear Berting,
Masuwerte kayong pareho ng misis mo. Mapagmahal kayo sa isa’t isa. Hindi ka under de saya, kundi ulirang mister. Tama ang iyong ginagawa at huwag mong intindihin ang mga nanunukso sa iyo.
Huwag kang gagawa ng karahasan sa kabila ng kanilang mga panunukso sa iyo dahil kung tutuusin, mayroon kang matibay na relasyon sa iyong pamilya na higit na mahalaga kaysa sa paglalakwatsa kasama ang iyong mga kaibigan.
Kung gagawa ka ng marahas na bagay, malamang makaapekto ito sa iyong trabaho at ikaw ang talo, hindi ang mga kaibigan mong nambubuska sa iyo.
Tawanan mo na lang silang mga nambubuska sa iyo at huwag hayaang maging dahilan ito ng pag-init ng iyong ulo.
Dr. Love