Masamang panaginip

Dear Dr. Love,

Ako po si Ronald. Noong inaayos ko pa lang ang mga papeles ko, excited pa ako dahil gusto ko talagang makapag-abroad. Pinangarap ko na ito habang nag-aaral pa ako.

Kahit noong mag-on pa lang kami ng misis ko. Lagi ko nang binabanggit sa kanya na pagkatapos na pagkatapos ko ng aking degree ay maga-abroad ako.

Hindi naman natupad kaagad ang pangarap kong iyon dahil nga nabuntis ang misis ko. Akala ko nga hindi na ito matutupad. Nakapagtrabaho pa ako sa isang IT company. Masaya naman kami dahil maayos din naman ang aking kita.

Inunti unti ko lang ayusin lahat ng papeles ko. Hanggang ito na nga, after three years na hinintay ko. Next month na ang flight ko. Handa na ang lahat.

Mabuti nga pasado ako pati sa medical. Habang papalapit na nang papalapit ang araw ng alis ko, bigla na lang akong nanaginip na may masamang mangyayari raw sa akin, sa bansang pupuntahan ko.

Kitang kita ko ang kabaong na inuuwi sa airport na sinasalubong ng malungkot kong misis. Lalo akong kinabahan, ayoko man isipin ay nangangamba pa rin ako.

Ronald

Dear Ronald,

Kapit lang, kasama talaga ang mga pagsubok natin sa buhay. Huwag mong angkinin ang napanaginipan mo. Isang paalala lamang ito na lagi kang magdarasal at mag-iingat. Ang isipin mo ngayon ay ang blessing sa iyo ng Maykapal. Matutupad na rin ang iyong pangarap. Huwag mong masyadong dibdibin ang mga pwedeng mangyari sa iyo habang nasa malayo ka.

Isipin mong iingatan ka ng Maykapal pati ang pamilya mo. Lakasan mo ang iyong loob. Sandali lang naman ang taon.  Hindi mo namamalayan, matatapos na ang kontrata mo. Basta focus ka sa trabaho. Magtiwala ka sa Maykapal na hindi ka niya pababayaan.

Stay safe and stay healthy.

DR. LOVE

Show comments