Dear Dr. Love,
Ako po si Arnel hindi ko tunay na pangalan. Hindi ko pa rin matanggap na totoong nagmamalasakit ang biyenan ko sa akin. Nang ma-stroke ako ni isa sa mga kamag-anak ng misis ko, walang nakaalala sa akin. Sobrang tampo ko noon sa kanila. Mabuti pa nga ang ibang tao naalala ako.
Ganun lang, pa-like like sa fb at pa-comment comment pero ang puntahan ako, ni-ha ni- ho, wala. Sinabihan ko na nga ang misis ko na tigilan na ang pagpo-post ng mga nangyayari sa buhay namin, pinagpipiyestahan lang ng iba.
Ayaw ko na nga silang kausapin. Sinabi ng misis ko, nagbigay raw ng panggastos ang biyenan ko. Hindi ako naniniwala dahil ako pa nga ang madalas mag-abot ng pera sa kanila.
Medyo maayos naman ang kalagayan ko ngayon dahil nakakatayo na ako, pero hindi pa nakakalakad. Sabi ng doktor, mild stroke lang naman pero dalawang linggo rin ako sa ospital. Buong February ako nagpagaling.
Balak nga ng misis ko na maghanda sa nalalapit na birthday ko sa April. Sabi ko sa kanya, huwag nang maghanda dahil gastos lang iyon. Tapos sila rin lang ang bisita.
Sana matututuhan kong mapatawad sila at patawarin ako ng Diyos kung mali ang naiisip ko tungkol sa kanila.
Arnel
Dear Arnel,
Habang nagkakaedad tayo, nagiging mas sensitive tayo sa mga tao. Lalo na nagkasakit ka. Natural na minsan nakakaramdam tayo ng sama ng loob sa kapwa natin, malimit kundi sa kamag-anak mo, sa kamag-anak ng misis mo.
Pero kung paiiralin mo ang pagiging maramdamin o pagiging malungkutin, masasa-yang ang mga araw na dapat naging masaya ka. Higit mong kaila-ngan ngayon ang magpatawad.
Kung sa palagay mo nagkamali sila o nagkulang sa iyo, hindi ba minsan ganoon din tayo, nagkakamali. Palayain mo ang iyong sarili sa galit o hinanakit, hindi ito makakatulong sa’yo.
Eh, sa kakaganyan mo baka maging malala pa ang sakit mo dahil sa sakit na nararamdaman mo sa iyong kalooban.
Mauunawaan tayo ng Diyos, piliin mo ang mas makakabuti sa’yo at sa iyong pamilya. Hindi ka na bumabata, mas masarap mabuhay ng walang kaaway.
DR. LOVE