‘Di na pwedeng magkaanak

Dear Dr. Love,

Ako po si Lydia, 22 anyos. Noong 15-years old ako ay nagkaroon ako ng appendicitis at ako ay naoperahan. Dahil dito ay nadamay  pati ang matris ko at sinabi ng doktor na hindi na ako magkakaanak pa.

Nalungkot ako sa balita dahil pangarap ko na magkaroon ng malaking pamilya. Ako lang at ang aking mga magulang ang nakakaalam ng aking kondisyon. Marami akong manliligaw pero ayaw kong mag-commit kanino man dahil nga sa aking kondisyon.

Alam ko na bawat lalaki ay gustong magkaroon ng supling, bagay na hindi ko na kayang ipagkaloob sa aking mapapangasawa. Hanggang dumating sa buhay ko ang isang lalaking inibig ko ng totoo.

Sinagot ko siya pero hindi ko ipinagtapat ang katotohanan na hindi ko na siya mabibigyan ng anak. Ngayon ay nagyayaya na siya na magpakasal kami.

Kinakabahan ako sa pag-oo sa gusto niyang pagpapakasal. Kung anu-anong dahilan ang sinasabi ko. Nagalit siya sa akin at sinabing sabihin ko kung ayaw ko o gustong magpakasal para makahanap na siya ng iba.

Natatakot akong magtapat. Ano ang gagawin ko?

Lydia

Dear Lydia,

Wala kang choice kundi ipagtapat ang totoo. Malay mo, kung sa kabila nito ay pa-kasalan ka pa rin niya. May mga lalaki na tapat kung umibig at walang halaga kahit ano pa ang depekto ng babaeng gusto nilang pakasalan.

At kung hindi niya ito matatanggap, tanggapin mo ito ng maluwag sa iyong puso. Kasi kahit ipag-lihim mo man ito sa kanya, mabubunyag din iyan pagdating ng panahon.

Mas masakit kung malalaman niya ito sa panahong kasal na kayo dahil lalabas na nilinlang mo lang siya sa hindi pagsasabi ng buong katotohanan.

Dr. Love

Show comments