Dear Dr. Love,
Bagamat ako ay isang millennial, isang lumang awitin ang napakinggan ko sa YouTube. Ito ang My Funny Valentine ni Frank Sinatra. Tawagin mo na lang akong Rico, 24 anyos.
Nagustuhan ko ang awitin dahil angkop na angkop sa aking love story. Ano mang pintas ang sabihin ng mga nakakakilala sa amin, hindi ko ikinahihiya na ang aking girlfriend ay kulang sa gandang panlabas.
Minahal ko siya dahil sa kagandahan ng kanyang puso. Siya ay wala pang limang talampakan ang height at may katabaan. Madalas, kapag hindi ko siya kasama ay kinakantyawan ako ng aking mga kabarkada. Guwapo naman daw ako, bakit ko pinatulan si Lena.
Dr. Love, tatlong ulit na akong nagka-siyota ng maganda at lahat sila ay may lihim na boyfriends bukod sa akin. Kay Lena, nakita ko ang kanyang pagkamapagmahal at maalalahanin bukod sa kanyang faithfulness.
Kaso, nagdamdam si Lena nang minsang isama ko siya sa pamamasyal sa mall. May nakasalubong akong mga kaibigan at tinanong ako kung katulong ko ang aking kasama. Hindi ko ikinahiyang sabihin na girlfriend ko siya.
Napansin ko na lihim na nagpapahid ng luha si Lena. Nagpasya siyang maki-pag-break sa akin dahil hindi raw kami bagay. Kahit sinabi kong masuwerte ako sa kanya dahil uliran siya at ang kagandahan niyang walang kaparis ay nasa kanyang puso.
Hindi naputol ang aming relasyon pero pansin ko na nadadaig siya ng kanyang inferiority complex. Ano ang gagawin ko?
Rico
Dear Rico,
Basta patuloy mo siyang ipagmalaki sa ibang tao. Ipagyabang mo ang mabubuti niyang katangian at darating ang araw na mawawala ang maliit na tingin ni Lena sa kanyang sarili.
Tuwing magkasama kayo, lalo mong ipa-dama sa kanya ang tindi ng iyong pagmamahal. Tama ka, ang kagandahang panlabas ay hindi dapat gawing batayan kung mamahalin o hindi ang isang tao.
Higit na importante and kabutihan ng ugali at katapatan. Dr. Love