Makalumang manliligaw

Dear Dr. Love,

Ako po si Myrah, 22 anyos. Nakabakasyon po ako ngayon sa aming bayan sa Bataan. Dalawang linggo na po ako rito at may boyfriend akong naiwanan sa Maynila.

May manliligaw ako ngayon. Nakokornihan ako sa sistema ng kanyang diskarte dahil sa pangalawang araw ko sa aming baryo ay hinarana ako, kasama niya ang ilang kabarkada. Ang kinanta pa niya ay ang awitin ni Jose Mari Chan na Beautiful Girl.

Sa bagay mahilig ako sa lumang awitin at in fairness, maganda ang boses niya at guwapo. Nagsimula siyang manligaw sa akin. Sa unang pagdalaw niya, may dala pa siyang prutas na mangosteen at manggang hinog.

Thirty years old na siya pero mukhang hindi kami nagkakalayo ng edad. Malungkot ang isinalaysay niyang kuwento. Namatay raw sa aksidente sa tricycle ang girlfriend niya, two years ago at ngayon lang daw siya umibig muli.

Sa totoo lang, kahit korni siya ay parang gusto ko siyang sagutin just for fun, para maranasan ko ang pakikipagrelasyon sa probinsyano. Pero nagbabalak na kaming magpakasal ng boyfriend ko. Ano kaya?

Myrah

Dear Myrah,

Aba, huwag. Hindi pinaglalaruan ang pag-ibig dahil may masasaktan. Ang mabuti pa, ngayon pa lang ay tapatin mo na siya. Sabihin mo na engage ka na at nakatakda nang ikasal.

Masakit sa lalaki na sasagutin mo pero sa bandang huli ay iiwanan mo rin para balikan ang totoo mong mahal. At least, naranasan mo na ang maligawan ng isang makalumang probinsyano.

Tama na ‘yung kinilig ka at huwag mo nang ituloy pa at baka may mas grabeng mangyari at magkasira kayo ng iyong boyfriend.

Dr. Love

Show comments