Dear Dr. Love,
Masayang pagbati sa iyo. Tawagin mo na lang akong Joanna, 26 anyos. Mula pa noong ako ay 20 years old, isinumpa ko na ang pakikipagrelasyon sa sino mang lalaki.
Kung tatanungin mo ako kung bakit, ito ay dahil batik sa aking nakaraan. Ginahasa ako ng sarili kong ama at ito’y nagbunga ng isang anak na hanggang ngayon ay nasa aking pangangalaga. May dawn syndrome ang naging bunga ng pagsasamantala ng aking ama. Siya’y namatay sa piitan.
Natutuwa naman ako at nabigyan ng hustisya ang karumaldumal na krimen na ginawa sa akin ng aking ama.
Hindi ito lingid sa kaalaman ng mga nanliligaw sa akin at kung may bagong manliligaw ay sinasabi ko ang madilim kong pinagdaanan. Sabi nila ay nauunawaan nila ang situwasyon ko at walang halaga sa kanila kung nagkaroon ako ng anak dahil sa kalapastanganan ng sarili kong ama. Hindi ko naman daw ginusto ito.
Pero ayaw ko na. Hindi sa kinasusuklaman ko ang bawat lalaki, kundi nandidiri ako sa aking sarili. Dapat sana ay ipinalaglag ko ang batang ipinagbuntis ko pero dahil takot ako sa Diyos, ipinasya kong isilang at alagaan ito. Pero sa totoo lang, may pagkakataong gusto kong sakalin ang bata dahil naaalala ko ang demonyo kong ama sa tuwing nakikita ko siya.
Binabalot ng pagkasuklam ang buhay ko. Bakit pinayagan ng Diyos na mangyari ito sa akin? Pagpayuhan mo ako.
Joanna
Dear Joanna,
Hindi lang ikaw ang dumanas ng ganyan. Kahit hindi natin maunawaan ang Diyos kung bakit pinahihintulutang mangyari ang ganyang pagsubok, hindi natin Siya dapat sisihin. Bagkus, lagi tayong magtiwala na sa lahat ng bagay, may mabuting pakay ang Diyos.
Pawiin mo na ang galit sa puso mo. Nagkasala man ang iyong ama, walang kasalanan ang batang ibinunga ng kanyang ginawang panghahalay sa iyo.
Pinanagot na siya ng Diyos sa mabigat niyang paglapastangan sa iyo.
Huwag kang manatiling bilanggo ng pagkasuklam at galit. Kung may nanliligaw sa iyo at tapat naman sa iniaalok na pag-ibig, bigyan mo ang iyong sarili ng pagkakataong umibig at marahil, iyan ang solusyon para magliwanag na nang tuluyan ang iyong buhay.
Dr. Love