Dear Dr. Love,
Tito na lang po ang itawag ninyo sa akin. Noong nauso ‘yung kantang manok na pula, natigil ako sa pagsasabong. Nakunsensiya ako. Nauubos ko ang pera sa bulsa ko dahil sa sugal na ‘yan.
Natuwa na ang misis ko dahil malaki ang naiipon namin. Pero nitong pandemic, nauso ang online sabong. Noong una, aayaw-ayaw pa ako.
Sinubukan kong tumaya uli. Napindot ko ‘yung draw. Ang dapat pula ang tatayaan ko. Ang akala kong void na ang taya ko, biglang nanalo pa. Ang 500 pesos ko naging 1K.
Alam na ninyo ang kasunod. Nawili na naman ako sa kaka-online sabong. Pinabayaan lang ako ng misis ko noong una. Hindi pa niya nararamdaman ang pagiging agresibo ko.
Pero nintong huli kahit 300, 600 taya pa rin ako ng taya. Kapag nakakabawe, mas nilalakihan ko.
Hayun nawowowin na naman ako. Wiling wili ako sa pagsasabong.
Nitong mga nakaraang araw, nag-aaway na naman kami ni misis. Bumabalik nga naman ang bisyo ko.
Pinaalala niya sa akin na nangako ako sa kanya, na hinding hindi na ako magsasabong. Hindi na nga ako pumupunta sa arena, sa otb naman ako madalas.
Lagi niya akong sinusumbong sa biyenan ko, kaya galit sa akin ngayon ang nanay niya. Hanggang dito na lamang po.
Maraming salamat.
Tito
Dear Tito,
Ngayong may asawa ka na, ang priority mo ay ang iyong pamil-ya. Ok lang naman kung may pinagliliba-ngan ka. Kung mahilig ka sa manok, mag-alaga ka ng pwedeng mangitlog at gawin mong business. Tiyak na malilibang ka at kikita pa. Kaysa naman na babalikbalikan mo ang bisyo mo.
Bago mo payamanin ang nagpapa-OTB, unahin mo ang mag-ipon ng para sa pamilya mo, para sa pagpapaaral sa mga anak o magiging anak ninyo.
Mahirap nang iwasan kapag nagi-ging bisyo na. Kung talagang gusto mong maging maayos ang buhay ninyo, huwag mong haluan ng mga bagay na hindi makabubuti sa inyong pagsasama.
Kaya nagagalit ang biyenan mo, ‘yan ay dahil ayaw nilang mapariwara ang iyong pamilya. Huwag mong hintayin na may pagsisihan ka balang araw.
DR. LOVE