Nagkunwari

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Camille, 22 anyos. May kasintahan ako na mahal na mahal ko. Simula pa noong 18 anyos ako ay kami na, siya si Eddie. Matanda siya ng two years sa akin.

Noong una pa ay bumuo na kami ng aming magagandang pangarap. Hanggang planuhin na namin ang aming pagpapakasal. Pareho kaming desidido, na kami na nga ang para sa isa’t isa.

Pero minsan, nakaramdam ako ng pagkahilo. Akala ko ay hindi na mauulit ito pero naging madalas.

Hanggang ipakunsulta ako ng parents ko sa doktor at lumabas sa pagsusuri na mayroon akong leukemia.

Napaisip ako na kung itutuloy namin ni Eddie ang pagpapakasal, magiging pasanin niya ako.

Mahal ko siya kaya ayaw kong maging pasakit sa kanya habang ako ay nabubuhay. Nakipag-break ako sa kanya.

Nang tanungin niya ako kung bakit, basta’t sinabi ko na natanto ko sa sarili ko na hindi ko na siya mahal. Ayaw niyang maniwala sa aking pagkukunwari.

Totoo namang mahal ko siya, kaya gusto kong masuklam siya sa akin at nang hindi na niya ako alalahanin.

Kinausap pala ni Eddie ang parents ko at dun niya nabatid ang aking karamdaman. Kinausap ako ni Eddie at sinabing lalo niya akong hindi pababayaan, kaya dapat raw ituloy namin ang kasal.

Dapat ba akong magpakasal pa sa kanya sa kabila ng aking sakit?

Pagpayuhan mo ako.

Camille

Dear Camille,

Mahal ka ng iyong kasintahan at iyan ay pinatunayan niya sa pagsasabing handa ka niyang pakasalan, ano man ang iyong kalagayan.

Hindi naman hopeless ang sakit mo.

Sa ngayon, bagamat may kamahalan ay puwedeng tuluyang mawala ang karamdaman mo through bone marrow transplant.

Para sa nagmamahal, hindi problema ang pera dahil gagawa siya ng paraan para gumaling ka. Huwag mong ipagpalagay na magiging pasanin ka ng iyong boyfriend kapag nagkatuluyan kayo.Ang mga nagmamahalan ay nagdadamayan sa lahat ng problema.

Bigyan mo ng tsansa si Eddie na patunayan ang katapatan ng pag-ibig niya sa iyo.

Dr. Love

Show comments