Dear Dr. Love,
Pangkaraniwan ang malikot at patay-sinding mga Christmas lights ngayon, na kung tututukan ang kinang ay pawang hugis bituin. Hindi ko tuloy maiwasang mapangiti dahil sa alaalang ibinabalik nito sa isip ko.
Bata pa kami ni Amiel, paborito naming pagmasdan ang tinatawag namin noon na patay-sinding bituin. Mga dekorasyon ito sa kalapitbahay at gusali sa paligid ng ampunan kung saan kami nagkakilala.
Ang pagpapatay-sindi ng mga bumbilya ay ginagawan niya ng kanta na ang bilis ng bigkas ay depende sa pagkislap ng patay-sinding bituin. Nakakatuwa nga, pati ako ay hindi niya pinatawad. Ginawan niya ako ng kanta, hindi ko na masyado matandaan ang lyrics. Ang tanging tumanim sa isip ko, si Biboy na inaidol, akala ng iba ay play boy pero sa totoo lang, siya ay smart boy.
Hilig niya talaga ang pagkanta, kaya nasa banda siya ngayon. Tinapos ko naman ang kursong electronics engineering sa tulong ng scholarship. Natutuwa akong malaman na muling sumisigla ang gig nila Amiel, ako naman ay hataw sa paggawa ng malalaki at pinagsama-samang patay-sinding bituin para ma-ging pambihirang parol na ini-export o kung minsan ay nagiging entry sa mga competitions.
Parehong peak season para sa amin ang panahon ng Pasko, lalo na ang mismong araw nito. Pero nagtatawagan pa rin kami para kamustahin ang isa’t isa. Salamat po sa pagkakataong maibahagi ko ang pagkakaibigan namin ni Amiel. Maligayang Pasko po sa inyo na bumubuo ng Dr. Love.
Biboy
Dear Biboy,
Salamat sa magandang pagbabahagi mo. Alam mo sa panahon ngayon ang pagkakaroon ng kaibigan na hindi nakakalimot sa’yo ay yaman na walang katumbas na halaga.
Masaya ko sa pagkakaibigan ninyo ni Amiel at sa nakatutuwang alaala ng patay-sinding bituin sa inyong samahan. Merry Christmas!
DR. LOVE