Brutal na asawa

Dear Dr. Love,

Mayroon akong childhood friend at higit pa sa kapatid ang turingan namin. Tawagin mo na lang akong Mina, 27 anyos at ang kaibigan ko ay si Digna. Kapag nasasaktan siya ay  nadarama ko rin ang sakit sa puso ko.

Three years ago nang makapangasawa siya ng isang manginginom at sugarol. Tumutol ako bilang matalik na kaibigan niya, ngunit sinunod niya ang kanyang puso. Nagsimula ang pana-nakit sa kanya ng kanyang brutal na mister matapos ang mahigit isang taon nilang pagsasama. Palagi siyang may black eye at pasa-pasa ang mga braso.

Nag-iba rin ang ugali ng friend ko na madalas natutulala at parang nawawala na ang katinuan ng isip. Pinapayuhan ko siyang magdemanda at hiwalayan ang kanyang asawa pero ayaw niya. Ano ang dapat kong gawin?

Mina

Dear Mina,

Kung may dapat gumawa ng aksyon, ito ay ang mga magulang at kapatid ng iyong kaibigan. Isumbong mo ang nangyayari sa buhay niya para sila ang gumawa ng karampatang aksyon.

Kung wala naman, puwede nang ikaw mismo ang tumulong sa kanya sa paghahain ng demanda.

Maraming babae ang ganyan. Nilalapastangan na ng asawa ay wala pa ring ginagawa.

Bagaman kaibigan ka lang niya at limitado ang iyong magagawa mo  para tulungan siya. Gawi mo pa rin para matamo niya ang hustisya at mailayo siya sa tiyak na kapahamakan.

Marahil puwede kang dumulog sa barangay at isalaysay mo ang nangyayari tungkol sa paulit-ulit na nararanasang kalupitan ng kaibigan mo sa kamay ng kanyang brutal na asawa. Hangad ko ang kaligtasan niya.

Dr. Love

Show comments