Tinutukso ng ex-bf

Dear Dr. Love,

Amber na lang ang itawag mo sa akin, isang taon na akong may asawa pero wala pang anak.

Nagkalayo kami ng dati kong boyfriend at hindi ko alam ang dahilan. Nawala na lang siya na parang bula. Dahil mahigit sa isang taon siyang nawala, nakipagrelasyon ako sa iba at ikinasal kami.

Mahal ko ang aking ex at dinamdam ko ang kanyang pagkawala. Nang makilala ko ang naging asawa ko ay nalimutan ko na ang sakit na iniwan niya.

Pero nagulat na lang ako nang muli siyang magparamdam sa pamamagitan ng text message. Humihingi siya ng sorry. Pinatawad ko naman siya, pero nagpipilit siyang magkita kami kahit sinabi kong may asawa na ako.

Kung makipagkita ako sa kanya for the last time para maging pormal ang aming breakup at hindi na ako gambalain pa niya, tama kayang hakbang ito?

Amber

Dear Amber,

Tinutukso ka ng ex mo na makipagrela-syon muli. Kung makikipagtagpo ka sa kanya, nagtagumpay siya sa unang hakbang. Kapag magkaharap na kayo ay malamang digahan ka niya at tuksuhing buhayin ang inyong naunsiyaming relasyon. Mas mabuting huwag ka nang makipagkita sa kanya.

Pero kung magpupumilit pa rin siya, magtapat ka sa iyong asawa. Sige, pagbigyan mo siya pero sa inyong pagtatagpo, isama mo ang iyong mister para matatak sa isip niya na wala na siyang pag-asang magkabalikan pa kayo.

Tiyak ko na matutuwa pa ang iyong mister dahil ang gagawin mo ay tanda ng iyong katapatan sa kanya.

Dr. Love

Show comments