Padalus-dalos na pagpapakasal
Dear Dr. Love,
Mabiyayang araw sa iyo, Dr. Love. Itago mo na lang ako sa pangalan Nilda, 24 anyos at may asawa. Napakabigat ng aking problema. Para akong naiipit sa dalawang nag-uumpugang bato.
Iyan ang dahilan kung bakit sumangguni ako sa iyong kolum at umaasa na mapagpapayuhan mo ako sa pasan-pasan kong problema.
Mahigit isang taon na akong kasal. Dahil akala ko, patay na ang nobyo. Matalik na magkaibigan ang nobyo ko at ang lalaking aking pinakasalan. Aaminin kong mas mahal ko ang nobyo ko na inakala kong patay na.
Itinakda ang kasal namin ng aking boyfriend pero isang buwan bago ang aming kasal ay bigla siyang nawala. Isang taon ang lumipas, wala kaming nabalitaan tungkol sa kanya. Kahit ang kanyang mga magulang ay inakalang patay na siya dahil hindi na siya natagpuan.
Ngayong may asawa na ako, nasorpresa ako sa kanyang pagbabalik. Nakipag-live in daw siya sa isang babae na sa kalaunan ay sumama sa iba, bagay na pinagsisisihan niya. Ano ang dapat kong gawin ngayon. Mahal ko pa rin siya at gusto ko na magkabalikan kami?
Nilda
Dear Nilda,
Naging mabilis ang pagdedesisyon mo na magpakasal sa iba. Hindi ka man lang naglaan ng sapat na panahon para makumpirma kung ang mahal mong kasintahan ay talagang patay na.
Ngayon bumabalik siya sa iyo, huli na ang lahat dahil nakatali ka na sa iba.
Kasal ka na sa kaibigan niya, kaya maliban na lang kung ipa-annul mo ang inyong kasal, hindi mo na puwedeng balikan ang dati mong nobyo.
Hindi ko tiyak kung may ground for annulment ang kaso mo dahil abogado lang at huwes ang makapagpasya niyan.
Pero kung ako ay ikaw, haharapin ko na lang ang consequence ng mali kong desisyon.
Dr. Love
- Latest