Dear Dr. Love,
Hindi ko noon naisip na mangyayari pala sa akin ang mga nababasa ko sa mga article ninyo. Ako po si Cheesy.Parang pinaglalaruan ako ng tadhana. Sa kaka-pray ko na magka-bf na ako, kambal ang nakilala ko. Customer ko sila rito sa isang kainan sa Tutuban. Kahit naman pandemic hindi kami nagsasara dahil pwede kaming magpa-take out.
Lagi nilang ino-order ang masarap na special mami at lomi. Tawagin na lang nating JM at JR ang kambal.
Si JM ang seryosong tipo ng lalaki.Maayos manamit at rich man ang dating. Si JR naman ang tipong maginoo at may astig na awra.
Ang talagang crush ko ay si JM pero hindi ko pinahahalata. Una, customer sila at bawal sa amin ang makihalibilo ng matagal sa customer.
Pero ang may gusto sa akin ay si JR. Ugali lang naman ang pinagkaiba nila. Halos magkamukha silang dalawa. Lagi magkasama ang magkapatid.
Sinimulan na akong ligawan ni JR, kahit na ang talagang gusto kong manligaw ay si JM.
Kapag inaaya nila akong mag-date. Naiilang ako sa dalawa dahil kwento nang kwento si JR pero ang atensyon ko ay na kay JM. Gusto ko sanang sagutin si JR, pero baka hanap hanapin ko ang ugali ni JM.
Naging magkakaibigan naman kami. Pero kung magpupumilit pa rin si JR, baka sagutin ko na rin siya kahit ang hinihintay ko ay si JM.
Cheesy
Dear Cheesy,
Huwag ka ng choosy. Minsan ang hinihanap natin ay walang gusto sa atin. Bakit hindi mo subukang sagutin si JR, para malaman mo na mas higit ang kasiyahan ng taong minamahal ka kaysa mahal mo lang.
Hindi naman siguro mahirap mahalin si JR, dahil nakikita mo pa rin ang kanyang tunay na hangarin.
Mahirap ipagpilitan ang ating sarili sa taong walang gusto sa’yo. Lalo ka lang aasa at masasaktan.
Tiyakin mong mabuti ang feelings mo at ipagdasal kung sino talaga ang nababagay sa’yo, ang taong mahal mo o ang nagmamahal sa iyo.
DR. LOVE