Dear Dr. Love,
Habang naglilinis kami ng bahay, nakita ko na pinagmamaasdan ng misis ko ang picture ng dati niyang boyfriend.
Wala lang sana ‘yun, kaso bigla akong tinamaan ng matinding selos. Nagtatawanan pa nga kami habang naglilinis, pero bigla na lang akong nagkapagtaas ng boses. Tanong na ako nang tanong sa kanya ng kung anu-ano tungkol sa kanila.
Ang biruan ay nauwi sa pikunan. Hanggang sa sinabi kong sirain na niya ang mga dati nilang picture at bakit pa niya itinatabi ang mga iyon.
Sinunod naman niya ako. Ginupit niya ang picture at nilukot. Pero halos mamugto ang kanyang mga mata. Tahimik kami at hindi na nagkikibuan.
Napansin ng aming anak na biglang nagbago ang mood namin. Sampung taon na ang anak namin. Tinatanong nga niya, what’s wrong papa?
Hindi ko rin naman siya masagot dahil sa kababawan ko. Tamang selos talaga.
Inabot na ng gabi na hindi kami nagkikibuan. Medyo hesitant ako mag-sorry sa kanya dahil alam ko namang mali ako. Nagpadala ako sa bugso ng aking emosyon. Kakausapin ko nga sana siya bago matulog, pero tinalikuran niya na ako at ayaw ng magpaistorbo.
Mabuti na lang kinabukasan pagkagising ko, nagawa kong makapag-sorry sa kanya at nangako na hindi ko na uungkatin ang mga nakaraan niya.
Maraming salamat po, sana nagustuhan ninyo ang sharing ko.
Dick
Dear Dick,
Maraming salamat sa sharing mo. Mara-ming pag-aaway ng mag-asawa na selos ang pinagmumulan. ‘Yung iba nga ay talagang naghihiwalay dahil d’yan, habang ang iba pa ay humahantong sa dahas. Hindi naman natin dapat balewalain ang emosyon.
Una, tao tayo kaya likas na minsan nagiging matampuhin tayo, nagseselos at nagagalit.
Ang dapat nating gawin ay magkaroon ng positibong pananaw tungkol dito. Huwag kang basta-basta magbibitiw ng salita at makikipagtalo kapag may something na nararamdaman.
Tama naman ang ginawa mo, always be ready na aminin ang mali mo at mag-sorry ka agad.
Hangad ko ang magandang pagsasama ninyong mag-asawa.
DR. LOVE