Dear Dr. Love,
Ako po si Elsa, 21 anyos at dalaga. Ang girlfriend kong si Dindo ay mataba at kulang sa height pero tatlong bagay ang maipagmamalaki ko sa kanya. Siya ay mabait, mapagmahal at ubod ng talino.
5’1 lang ang kanyang taas kumpara sa akin na 5’6. Hindi sa pagbubuhat ng bangko, ako ay maganda rin, maraming tagahanga at manliligaw.
Madalas akong tuksuhin ng aking mga kaibigan, bakit daw ako pumatol kay Humpty Dumpty. Pero hindi ko ikinahihiyang sabihin na pagsamasamahin pa ang utak ng mga boyfriends nila ay hindi kayang tapatan ang talino ng aking boyfriend. Mahal na mahal ko talaga si Dindo dahil uliran siya kahit ganoon ang kanyang pisikal na anyo.
Minsan, naglalakad kami na magkahawak kamay, isang tropa ng mga magkakabarkada na hindi namin kilala ang nambuska. Isa ang nagsabing, “wow seksi, may kasamang taong itlog.” Hindi pinansin ni Dindo ang kantiyaw, pero masama ang kanyang loob.
Nang magkasarilihan kami, sabi niya, hindi raw siya nababagay sa aking kagandahan. Tinanong niya ako kung matitis kong kutya-kutyain siya ng mga tao kung magkakatuluyan kami. Sabi ko, oo dahil mahal na mahal kita.
Sa mga naririnig niyang pangungutya, napapansin ko na tila mawawalan siya ng tiwala sa sarili. Ano ang gagawin ko?
Elsa
Dear Elsa,
Hinahangaan ko ang iyong pagmamahal na hindi tumitingin sa panlabas na anyo, kundi sa panloob na katangian. Iyan ang totoong pag-ibig. Ang kagandahan ay nawawala sa paglipas ng panahon.
Bigyan mo ng encouragement si Dindo at ipaalala mo sa kanya ang pambihira niyang katangian na wala sa iba. Ipadama mo ang iyong labis na pagha-nga sa kanyang talino para ma-build-up ang kanyang kompiyansa sa sarili.
Huwag pansinin ang mga nambubuska bagkus, ipakita mo sa madla ang labis mong pagmamahal sa iyong kasintahan.
Ang talento ni Dindo ay tataglayin niya habang nabubuhay, hindi tulad ng panlabas na kagandahang maglalaho.
Dr. Love