‘Di naghihilom ang sugat

Dear Dr. Love,

Mahigit dalawampung taon na kaming nagsasama ng aking asawa at mayroon kaming kaisaisang anak na magtatapos na sa college. Tawagin mo na lang akong Roselle, 45 anyos.

Sa kabila ng dalawang dekadang pagsasama, hindi ako masaya sa piling niya. Magkasama kami sa iisang bahay na hindi ko matatawag na tahanan. Noong una’y matibay ang aming pagmamahalan. Katunayan, sa kabila ng pagtutol ng aking mga magulang, siya ang lalaking aking pinakasalan.

Maligaya kami sa unang anim na taong pagsasama. Pero lingid sa aking kaalaman, mayroon pala siyang kalaguyo. Nagsumpaan kami noon na walang magtataksil at ako’y nanatiling tapat sa kanya.

Nalaman ko ang relasyon niya sa ibang babae nang may nagsadya sa aming bahay na isang babaeng buntis. Ako ang nakausap ng babae dahil nasa trabaho ang asawa ko. Sabi niya, dapat managot ang asawa ko sa dinadala niyang sanggol. Napakasakit para sa akin ang mabatid ito.

Lalong masakit nang inamin ng mister ko ang kanyang kasalanan.  Humingi siya ng tawad at binigyan ko siya ng isa pang pagkakataon. Sinustentuhan niya ang kanyang anak sa iba. Pero hindi na niya pinakisamahan ang babae hanggang ito’y may iba nang kinakasama.

Ano man ang pilit ko, hindi na nagbalik ang pagmamahal ko sa kanya. Nagpapatuloy ang pagsasama namin dahil ayaw kong magkaroon ng broken family. Magkahiwalay ang kama na aming tinutulugan. Magtatapos na sa kurso ang aming kaisaisang anak.

Tama bang manatili kaming nagsasama nang walang pagmamahalan?

Roselle

Dear Roselle,

Ang ibig sabihin, hindi mo talaga napatawad ang asawa mo. Ang kapatawaran ay nasa labi mo lang at wala sa iyong puso. May kasabihan na pinaghihilom ng panahon ang ano mang sugat. Pero bakit pinananatili mong sariwa ang isang sugat na dulot ng pinagsisihang pagtataksil ng mister mo?

Tinatanong mo kung dapat bang ituloy ang pagsasama ng walang pag-ibig? Ang sagot ko ay hindi. Pero sikapin mong buhayin ang namatay na pagmamahal. Minsan lang naman nagkasala sa iyo ang asawa mo, he deserves another chance.

Ang pananatili ng poot sa puso mo ay isang pabigat na ikaw lamang ang magpapasan at magdurusa. Tagubilin ng Diyos sa atin na bago Niya tayo patawarin sa ating kasalanan ay matuto muna tayong magpatawad sa lahat ng nagkasala sa atin. Iyan nawa ang ikintal mo sa iyong isip para maging maluwag ang pagpapatawad mo sa iyong asawa.

Dr. Love

Show comments