Selosong boyfriend

Dear Dr. Love,

Mahal na mahal ko ang boyfriend kong si Cris. Dalawang taon na kaming mag-on at ang napansin ko sa kanya, na sa paglipas ng mga araw ay tumitindi ang kanyang pagiging seloso.

Lagi niyang hinihiram ang cellphone ko at sa harapan ko mismo ay iniisa-isa niya ang mga text messages ko. Pati password ng aking Facebook ay hinihingi niya at lagi niyang pina-follow ang mga mga mensaheng natatanggap ko.

Lagi niyang sinasabi na kapag nabalitaan niyang may iba akong lalaki ay masasaktan ako sa kanya. Faithful naman ako sa kanya at walang dapat itago kaya hindi ako takot ipabusisi sa kanya ang aking cellphone at social media account.

Sa kabila nito, hindi matigil ang kanyang pagseselos ng wala sa katuwiran. Katunayan, iniiwasan ko nang makipag-usap kahit kaninong lalaki para matigil lang ang pagseselos niya.

Pero minsan, sa isang convenient store, nagkita kami ng kababata kong lalaki na matagal ko nang hindi nakikita. Hindi maiwasang magbalitaan kami sa convenient store nang walang ang-ano’y dumating ng hindi ko inaasahan ang boyfriend ko.

Pinagsabihan ako na kinakaliwa ko siya sa harap ng ibang namimili at walang kaabug-abog ay binuntal niya sa mukha ang kababata ko. Nagka-blackeye ang kababata ko at idinemanda ng physical injury ang boyfriend ko.

Mabuti at napakiusapan ko ang kababata ko na iurong ang demanda. Mahal ko ang kasintahan ko at takot akong mawala siya sa akin. Ano ang gagawin ko?

Mildred

Dear Mildred,

May sayad sa utak ang boyfriend mo, kaya kung ako ikaw, makikipagkalas ako sa kanya ngayon din. Kung ako ang kababata mo, hindi ako mag-uurong ng demanda para magkaroon ng leksyon ang baliw mong kasintahan.

Kung makakatuluyan mo ang lalaking iyan, malamang na magsisi ka. Malamang, darating ang araw na pati kamag-anak mong lalaki ay hindi mo na makakausap dahil sa labis niyang panibugho.

Magisip-isip ka.

Dr. Love

Show comments