Boy na ang type

Dear Dr. Love,

Ang hindi ko maamin ng lantaran ay hayaan mo sanang mailabas ko sa pamamagitan nitong column mo. Isang matagal nang kabarakda ang espesyal sa akin. Sonny kung mababasa mo man itong letter ko, sorry. Hindi ko naman sinasadyan na maging ganito ako.

Halos magkasabay na kami lumaki at na-ging kilala sa aming lugar, kahit sa aming school dahil pareho kaming angat sa aming sports na basketball. Ni sa hinagap ay hindi ko naisip na darating ang araw na magkakagusto ako sa kanya.

Ang nangyari, mula nang malinya ako sa cheering, nag-iba na ang malaking bahagi ng pagkatao ko. Dati naman akong maraming chicks. Pero ewan ko, basta ang sure ako ay iba ang saya ko kapag nakikita ko si Sonny.

Marami ang nagsasabi na dahil naimplu-wensiyahan ako ng mga kasama ko sa cheering na puro beki. Pwedeng true, araw-araw ba naman kasama ko silang nagwa-warm up, sa practice at sa games, naambunan tuloy ako ng lambot ng kanilang kilos at lakas ng kanilang tili.

Noong una, hindi ko pa napapansin kaso napaamin din nila ako na isa na ako sa kanila.

Hindi naman ako nanghihinayang. ‘Yun lang, kapag pinanonood ko si Sonny at ang mga ka-team niya, humahanga ako sa kanya. Wala pa rin siyang kupas, kaya hinahabol ko ng tingin ang mga three points niya.

Ngayon na nananatili ang pandemya, isa sa paborito kong pastime ay panoorin ang mga games nila sa youtube. Tuloy, nahihirapan akong maka-get over sa feelings ko.

Sana maunawaan mo ako, iba na ang mundo ko ngayon. Sana matanggap mo pa rin ako bilang kaibigan. Hayaan mo, pipilitin kong mawala ang nararamdaman ko sa iyo.

Thank you po sa atensyon, Dr. Love.

Karl

Dear Karl,

Alam mo Karl, huwag kang matakot na maging totoo sa sarili mo. Kung talagang desidido ka nang maglantad, eh bakit naman hindi. Tiyak na maiintindihan ka ni Sonny, kung matagal na ang inyong pinagsamahan.

Huwag mo lang siyang pilitin na magustuhan niya ang lahat ng bago sa’yo ngayon. Pwede pa rin kayong maging magkaibigan pero may limitasyon na, hindi na katulad ng dati.

Hindi ‘yon sasabihin sa iyo ni Sonny, pero mararamdaman mo ito. Asahan mong medyo maiilang siya sa iyo at dapat na maging handa ka run.

DR. LOVE

Show comments