Dear Dr. Love,
Maligayang pagbati sa iyo. Lumiham ako dahil sa isang palaisipang gumugulo sa aking isip.
Tawagin mo na lang akong Chona, 47 anyos at isang matandang dalaga. Public school teacher kasi ako at nalibang sa aking propesyon, nakalimot ako sa aking love life.
Marami akong suitors noon pero hindi ko sila pinapansin kaya dumating ang punto na wala nang nangahas na manligaw sa akin.
Pero nang tumigil ako sa pagtuturo para magnegosyo, nagkaroon ako ng manliligaw na labinlimang taon na mas bata sa akin. Mabait siya at sa tingin ko ay napakaresponsable. Aaminin ko na may gusto ako sa kanya pero nag-aalinlangan akong tanggapin ang proposal niya.
Natatakot ako na mapulaan at matawag na cradle snatcher. Sabi naman ng ilang close friends ko, hindi naman kami a-langan dahil maalaga ako sa katawan at mukha lang daw akong 30 years old.
Ano sa palagay mo, tama ba na pumatol ang isang babae sa nakababatang lalaki?
Chona
Dear Chona,
All is fair in love, sabi ng lumang kawikaan. Kung nagmamahalan kayo sa isa’t isa at wala namang legal na balakid para magpakasal kayo, go for it.
Marami namang kaso na ang isang matandang babae ay nakapag-aasawa ng isang lalaking puwede na niyang maging anak at maligaya naman ang pagsasama.
Kaso, may ilang situwasyon na sa paglipas ng panahon, lumulutang ang malaking katandaan ng babae sa kanyang partner kaya ang lalaki ay humahanap ng ibang mas bata na bagay sa kanya. Ngunit hindi naman nangyayari iyan sa lahat ng pagkakataon.
Wika nga, ang pag-aasawa ay parang isang sugal. Hindi natin nakikita kung ano ang magiging kahihinatnan ng isang relasyon.
Dr. Love