Nawili na sa kwentong pag-ibig

Dear Dr. Love,

Arnold po ng Makati. Noong una, hindi ko na-appreciate ang mga nababasa ko sa column mo. Ang totoo, nakokornihan ako sa mga kwento ng pag-ibig na lagi na lang may problema.

Pero nang dumating sa akin ang isang pagsubok na hindi ko inaasahan, na-realize ko na may silbi rin pala ang mga kwentong pag-ibig na ibinabahagi sa iyo.

Na-stroke ako. Hindi ako mahirap at wala akong problema sa asawa. Malakas lang akong uminom at pabaya sa aking sariling katawan. Chubby pero hindi naman ganoon kataba.

Isang hapon, papauwi na ako nang bigla na lang sumakit ang braso ko, nanlamig at nanginig ang buo kong katawan. Ang akala ko ay stress o fatigue, ang dami ko kasing ginawa noon. Kailangan kong matapos para ma-meet ang deadline namin para sa isang project proposal ko.

Natumba ako at hindi ko na alam ang sumunod na nangyari. Nagising na lang ako sa ospital. Sabi ng misis ko mabuti na lang at naagapan ang pagputok ng ugat ko sa ulo, kundi baka nakoma na ako.

Salamat sa Diyos at binigyan pa niya ako ng second chance. Sabi ko nga sa misis ko, pwede naman kung gusto na akong kunin ni Lord kahit anong oras. Nagawa ko na naman ang obligasyopn ko sa aking asawa’t anak.

Pero pasalamat pa rin ako dahil may gusto pa yata siyang ipagawa sa akin. Marami pa rin kasi akong pagkukulang sa aking kapwa. Ang pakikitungo ko sa aking mga nasasakupan sa departamento namin. Ang makipagkapwa tao kahit man lang sa aking mga kamag-anak.

Marami akong nasayang na oras. Siguro sila naman ang makokornihan sa akin. Pero nang binasa ng misis ko ang mga payo mo, lalo na sa mister na makulit at ayaw paawat sa bisyo, natawa lang ako kahit nagpapagaling pa lang ako sa ospital. Nag-enjoy ako sa mga kwento ng pag-ibig na akala ko ay hindi totoo pero nangyari mismo sa akin. Maraming salamat po. Happy anniversary po sa PSN!

Arnold

Dear Sir Arnold,

Salamat din sa iyong ibinahagi. Pagaling po kayo. Tama po, si God po madalas ay mapagbiro. Kapag nakakalimutan na natin siya, bigla na lang siyang magbibiro para magi-sing tayo sa ating mga nakakaligtaan. Pagaling po kayo. Stay safe ang stay healthy po.

DR. LOVE

Show comments