Dear Dr. Love,
Tawagin na walang ninyo akong Kayla. Nalaman ko na maagang nabuntis ang mama ko habang ang aking papa ay hindi tanggap ng lolo at lola ko, pati ng mga tito ko.
Sinubukan nilang ilihim ang lahat. Ang hindi atanggap ni mama ay ang ipalaglag ako na noon ay unti-unti nang lumalaki sa kanyang sinapupunan.
Ang kawalan ng suporta sa kanilang relasyon ang nagtulak sa kanila para magtanan.
Hindi naging madali ang buhay. Halos mamalimos pala sila sa kalsada sa ha-ngaring magkaroon ng disenteng tahanan. Mabuti na lang may kamag-anak silang natuluyan.
Sa awa ng Diyos naging maayos ang trabaho ng aking ama.Ngunit nagsimula nang manghina ang katawan ng aking ina, na-stroke siya at naging bedridden.
Hirap na buhay ang kinamulatan ko, pero kahit ganon ay nakatapos ako ng high school. Gusto ko sana hanggang kolehiyo makita ako ni mama na magtapos, pero hindi na niya kinaya.
Sa mga nangyari ay hindi ko kinakitaan ng panghihina ng loob ang aking ama. Madalas din niyang sabihin sa akin na lagi niyang ipagpapasalamat sa Diyos na natagpuan niya ang aking ina at wala siyang pinagsisisihan.
Kayla
Dear Kayla,
Isang pambihirang karanasan ng katatagan ang buhay ninyo.
Kaya sana ay hindi mawala sa isip mo ang tungkol dito, sa halip ay paghugutan mo ito ng lakas ng loob para makatapos ka ng pag-aaral.
Subukan mong lumapit sa mga ahensiya ng gobyerno na nagbibigay ng tulong pinansiyal.
Huwag kang mawalan ng pag-asa, alagaan mo ang iyong sarili at ang iyong ama.
Hindi nagpapabaya ang Diyos. Pasa-lamatan mo rin ang kamag-anak mong tumutulong sa inyo.
Tuloy lang ang buhay at ipagpatuloy mo lang ang ginagawa mo para ma-ging isang mabuting anak.
DR. LOVE