Huling gabi na pala

Dear Dr. Love,

Ako po si Michael ng Delpan. Tinakbo namin ang misis ko sa ospital. Pero wala na ang misis ko. Dead on arrival siya. Iniwan na niya kami. Wala naman siyang matinding sakit, nasamid lang siya sa kinain naming manok. Bumara ang maliit na buto sa kanyang lalamunan na naging sanhi ng hindi niya paghinga. Hindi ko alam na sa gabing iyon na lang kami magkakasama.

Hindi ko naman masisi ang mga duktor na tumungin sa kanya dahil talagang hindi na siya umabot. Sinubukan kong bigyan siya ng paunang lunas pero hindi pa rin umumbra. Namutla ang kanya mukha at hirap na hirap siyang hawak ang kanyang leeg. Nanigas siya habang nasa tricycle kami at sumuka na siya ng dugo.

Matalim daw at matindi ang pagkakatusok nito sa kanyang lalamunan. Hindi ko talaga matanggap na wala ng siya.

Nanghihinayang ako, sana sa akin na lang nangyari iyon.

Hindi pa rin ako makapaniwala na sa ganung pangyayari lang siya babawian ng buhay. Hanggang sa nailibing siya at ngayong ako na lang ang nag-aalaga sa mga anak namin. Mabuti at online ang klase kaya naiiwan ko ang aking mga anak habang bumabiyahe ako ng jeep.

Hindi ko nga alam kong bakit nangyari ito sa amin. Wala na nga akong kita sa jeep ng ilang buwan, binawian pa ako ng asawa. Unfair yata si Lord?

Michael

Dear Michael,

Una nakikiramay ako sa iyo, sa nangyari sa misis mo. Alam kong mahirap tanggapin ang mawalan ng asawa. Wala kang dapat sisihin. Tayong lahat ay may nakatakdang oras sa pagharap natin sa ating huling hantungan.

Talagang ganyan. May panahon na hindi na natin makakasama ang ating minamahal. Ipasa Diyos mo ang lahat. Huwag kang susuko sa laban ng buhay.

Igugol mo na lang sa iyong anak ang iyong panahon. Marami pang dara-ting sa iyong buhay na magagandang karanasan. May awa ang Diyos sa tulad mong nagdadalamhati.

DR. LOVE

 

 

Show comments