Dear Dr. Love,
Tawagin na lamang ninyo akong Papa Ethan, tawag nila sa akin sa barangay. Hindi ko naman masisi ang misis ko kung magselos siya ng matindi sa akin. Alam niya na pangatlo ko na siyang asawa at may malaki na akong anak. Hindi ko naman ginusto na maging tatlo ang naging asawa ko.
Ang una kong asawa ay sixteen years old lang. High school kami noon, mapusok ako at dahil sa murang edad nagbabahay-bahayan kami ng gf ko sa bahay nila. Wala kasing tao sa kanila lagi. Ang lola lang niya ang nag-aalaga sa kanya parehong nasa abroad ang mama at papa niya. Ang mga kapatid niya ay nasa bahay ng tito at tita nila.
Hayun, nagkaanak ako pero pinaghiwalay din kami nang umuwi ang kanyang mama galing Austrialia. Dinala na siya roon pati ang aming anak.
Kaya nagkaroon ako uli ng relasyon habang nagbibisyo, masaklap at hindi ko matanggap ang nangyari sa amin ng una kong gf. Kaya hindi na ako nagseryoso sa buhay. Pero ang akala kong maglalayo sa akin sa bisyo, ang pangalawa kong gf ay mali pala. Naging malala ang aming situwasyon, madalas kaming nahuhuli ng barangay. Mabuti at tinulungan ako ng tito kong kagawad. Sinabihan niya akong hiwalayan na ang gf ko at maglingkod na lang ako sa barangay.
Hanggang sa nakilala ko ang aking misis. Isa siyang volunteer titser dito sa barangay. Habang nagtuturo siya pinakikinggan ko ang kanyang mga sinasabi, kaya natatauhan ako sa mga parinig niya sa akin. Naging close kami at ang barangay hall at ang mga bata ang saksi ng aking tuluyang pagbabago.
Nagseselos siya kasi panay daw ang duty ko ngayon. Syempre pandemic kaya doble ang ingat namin. Tutok kami sa mga frontliners at mga biktima.
Kaya kahit nagseselos siya, inuunawa ko na lang at hindi ko na lang pinapatulan.
Papa Ethan
Dear Papa Ethan,
Nakatatlo ka pala, siguro ang pogi mo? Ganun lang naman ang mga babae, malakas ang kutob. Tama ang ginagawa mo at hindi mo pinapatulan ang pagseselos ng misis mo. Pasalamat ka sa Diyos at sa tito mo dahil kung hindi sa tito mo, hindi mo makilala si Ma’am.
Masalimuot ang buhay kaya kung makatagpo ka ng pagkakataong magbago, huwag na na-ting palagpasin. Pasalamat ka dahil mayroon pang tumanggap sa iyo sa kabila ng madilim mong nakaraan. Ganyan nga dapat, matuto tayong umunawa sa nararamdaman ng ating minamahal.
DR. LOVE