Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Lolo Simeon, 97 anyos. Taong 1950 nang nakilala ko si Rosenda at kami ay nag-iibigan sa kabila ng mahigpit na pagtutol ng kanyang mga magulang.
Dahil nagmamahalan kami, naisip namin na magtanan na lang. Nagsama kami ni Rosenda ng isang linggo pero natunton din kami ng kanyang mga magulang at pinaglayo.
Masakit ang aming paglalayo at bago kami naghiwalay, nagsumpaan kami na hindi na kami mag-aasawa kung hindi rin kami ang magkakatuluyan. Tumupad ako sa pangako at sinikap ko na lang na itaguyod ang aking sarili. May trabaho ako noon at pinag-aral ko ang aking pamangking lalaki na parang tunay na anak.
Nag-asawa kalaunan ang pamangkin ko pero dahil totoong ama ang turing niya sa akin ay kinupkop nila akong mag-asawa hanggang sumapit ako sa edad na otsenta anyos. Nang magpasyang mag-abroad ang mag-asawa ay inilagak ako sa pagkandili ng isa ko pang pamangkin na hindi maganda ang trato sa akin. Naglayas ako at napadpad sa home for the aged.
Hindi ko alam na malaking surpresa ang naghihintay sa akin doon. Naroroon din si Rosenda. Hindi ko agad nakilala ang aking mahal pero katagalan nang magkalapit kami ay nakilala namin ang isa’t isa. Pareho kaming tumupad sa sumpaan. Dalaga pa rin siya bagamat ngayon ay putol ang isang paa dahil naaksidente. Nagpakasal kami ni Rosenda at malaking selebrasyon ang naganap sa bahay kalingang kumukupkop sa amin.
Mabait sa amin ang tadhana at kami ay pinagtagpong muli.
Lolo Simeon
Dear Lolo Simeon,
May kasabihan na kung talagang nakatadhana sa iyo ang isang bagay, walang magiging hadlang upang ito’y mapa-saiyo. Sa kaso ninyo ni Lola Rosenda, napakaraming taon ang lumipas pero pinagtagpo pa rin kayo ng tadhana.
Hindi mahalaga kung kayo’y matatanda na. Ang pinakaimportante ay tinupad ninyo ang inyong sumpaan bago kayo paglayuin ng mga magulang ni Lola Rosenda.
Isang aral ang napulot natin dito. Hindi tungkulin ng magulang na panghimasukan ang pagpili ng kanilang anak ng mapapangasawa.
Dr. Love