Dear Dr. Love,
Masayang pagbati sa iyo at sa lahat ng mga sumusubaybay sa iyong love column. Tawagin mo na lang akong Icel, 20-anyos.
Matagal ko nang crush si Brandon dahil guwapo at matipuno ang katawan. Kaya nang ligawan niya ako ay sinagot ko siya kaagad. Hindi ko agad nalaman na may mild autism pala siya.
May pagkakataong kapag kinakausap siya ay hindi siya sumasagot agad lalo na kapag abala siya sa computer games.
Sa pag-aaral ay may mga subjects na excellent ang mga grades niya pero may ibang aralin naman na hindi niya maipasa.
Ipinagtapat niya sa akin na nung 12-an-yos siya ay na-diagnose siyang autistic. Pero mapagmahal siya kaya sa kabila ng kapansanan niya ay hindi ko siya mai-break.
Pero natatakot ako dahil baka kung magkatuluyan kami ay magkaroon kami ng anak na magmamana sa kapansanan niya.
Kahit ang mga friends ko ay pinapayuhan ako na makipag-break na sa kanya. Natatakot ako na kung ibe-break ko siya ay baka lumubha ang kalagayan niya.
Pagpayuhan mo po ako.
Icel
Dear Icel,
Kung naaawa ka lang sa kanya at hindi mo siya mahal, makakabuting tapusin mo na ang relasyon sa kanya. Mas mahirap kung makasal kayo at sa dakong huli ay magsisi ka.
Kung mahal mo naman siya, hindi mo alintana ang kanyang kapintasan. Kaya ikaw lang ang puwedeng magdesisyon kung mananatili ang relasyon mo kay Brandon o puputulin mo na.
Kaya pag-isipan mong mabuti ang gagawin mong desisyon na napakakritikal dahil nakataya ang iyong kinabukasan.
Dr. Love