Dear Dr. Love,
Isang masayang pagbati sa iyo at sa marami mong tagasubaybay. Itago mo na lang ako sa alias na Worried Mama.
Labis akong nagwo-worry sa anak kong babae na 20-anyos. Magmula nang iwanan siya ng kanyang kasintahan, kung kani-kaninong lalaki na siya sumasama at kung manamit ay hindi na disente.
Hindi naman siya dating ganoon. Ang hinala ko ay nagrerebelde siya sa kasawiang dinanas niya sa kanyang first love. Natuto siyang uminom at manigarilyo kaya binabastos na siya ng mga lalaki sa aming lugar.
Nang kausapin ko siya, umiyak siya at sinabing wala na siyang kuwentang babae dahil naibigay na niya ang kanyang pagkadalaga sa boyfriend niyang nang-iwan sa kanya.
Pinangangaralan ko siya pero ayaw na niyang magbago. Ano ang gagawin ko?
Worried Mama
Dear Worried Mama,
Maaaring nagkaroon siya ng psychological trauma sa kasawiang dinanas niya. Huwag kang susuko sa panga-ngaral mo sa kanya. Sabihin mo na hindi lang sa kanya nangyari ‘yon pero ito’y hindi dapat maging dahilan upang tuluyan na niyang wasakin ang kanyang buhay.
Sabihin mo sa kanya na maganda ang buhay, kaya huwag niyang hadlangan ang mga oportunidad na darating sa kanya sa pamamagitan ng kanyang pagwawala.
Kung hindi siya makuha sa pa-ngaral, marahil ay kailangan mo na siyang ikonsulta sa clinical psychologist o psychiatrist na siyang makakatulong sa kanya.
Dr. Love