Paano mapipigilan ang bisyo?
Dear Dr. Love,
Hindi naman sa naghihigpit ako sa mister ko. Kaso talagang pahamak ang mga barkada niya sa buhay namin. Hindi ko na malaman kung paano siya mapipigilan sa pagsusugal.
Mabuti na sana dahil may ayuda si Yorme sa aming barangay. Kaya lang imbes na makatulong ito sa amin ay nagiging daan pa para siya ma-warning-an ni kapitan. Kaya pala bigla siyang nawala sa tabi ko nang matulog kami ng tanghali. Nagsugal, hinabol ng mga tanod at ‘yun, nahuli.
Mabuti at hindi sila pinahirapan ng husto. Pinag-volunteer sila na mag-distribute ng pagkain sa mga frontliners. Dalawang araw tuloy siyang na-busy.
Ewan ko, lagi na lang siyang napapahamak dahil sa barkada niya. Matagal na niyang barkada ang mga ‘yun, binata pa sila. Kahit may asawa na sila, barkadahan pa rin sila.
Hindi pa rin tumitigil sa inom at sugal. Kahit may quarantine, nakukuha pa niyang lumabas at magsugal. Maliliit pa ang aming mga anak. Nadadamay rin sila kapag wala kaming pera. Ako na nga lang ang nakikiusap kay kapitan para hindi siya ikulong. Maraming beses na napapatawag sila ni kapitan, nahihiya na rin ako sa aming lugar.
Sana po ay mapayuhan ninyo ako kung paano mapipigilan ang asawa ko sa kanyang bisyo at paano niya iiwasan ang kanyang pahamak na mga barkada.
Myla ng Baseco
Dear Myla,
Malaki ang impluwensiya ng lugar sa mga tao. Hangga’t nakikita niya ang kanyang barkada ay mahahatak at mahahatak ang mister mo. Ang maganda, kausapin mo siya kung talagang hindi siya titigil at titino. Tanong mo sa kanya kung talagang mahal niya ang kanyang pamilya.
Alalahanin kamo niya na kaya nga kayo binibigyan ng ayuda ay bilang tulong sa inyo para may makain kayo lalo na ang inyong mga anak.
Kung dedma pa rin siya, mainam na rin na mahuli siya at ang barkada niya para magtanda sila.
Malaking tulong din na ipagdasal mo ang kanyang pagbabago.
Dr. Love
- Latest