Hindi sapat ang kita
Dear Dr. Love,
Aling Nora po ng Novaliches. Nawala ang kita namin dahil sa COVID-19. May customer pa naman akong magaan magbuenamano. Marami po ang kumakain sa canteen namin araw-araw, bukod sa mga estudyante pati na rin mga sekyu at sales lady sa katabi naming mall.
Eto ako ngayon, nganga kahit lumabas ako ng bahay, sarado naman ang canteen namin. Bukod sa walang kita, baka mawala na rin ang mga customers ko.
Malaki na rin ang lugi ko sa mahigit nang isang buwan na hindi kami nagbubukas. Nag-aaway na nga kami ng mister ko. Ang panalangin ko ay matapos na ang pandemic na ito. Magkakasakit na rin ako sa kakaisip kung saan kukuha ng pera.
Pasensiya na po. Pati kayo ay naaabala ko na. Hindi lang talaga kami handa sa ganitong sitwasyon. Wala po kaming magawa. Mabuti ang mister ko nakakapag-online selling. Namumuhunan na lang kami sa mga pwedeng maibenta sa online. Pero hindi pa rin sapat sa normal naming kita.
Sa bawat araw na lumilipas, halos tatlong libo ang nawawala sa amin sa bawat araw. Paano na ito? Mabuti na nga lang may mga naibibigay ang barangay namin, kaso dalawang beses lang. Sabi nila, huwag nang lumabas at hintayin na lang ang rasyon nila. Pero sa tagal ng ayuda, baka si kamatayan na ang pumunta sa amin at sunduin na kami.
Nora
Dear Aling Nora,
Huwag po kayong mag-alala, makakaraos din po tayo. Lahat naman ay apektado. ‘Yun lang, kailangan nating makabawi. May awa po ang Diyos. Huwag kayong masyadong mag-alala.Babalik uli ang mga customer ninyo.
Pasalamat po tayo dahil kahit walang pera ay ligtas naman tayo sa sakit. Mabuti na lang ang mister mo ay madiskarte.
Lagi ninyong isipin na makakabawi rin kayo. Isasama ko kayo sa prayers ko. Huwag na po tayong mainip. Bagkus ay manalig kay Lord na magiging maayos ang lahat.
DR. LOVE
- Latest