Dear Dr. Love,
Tawagin ninyo na lang po akong Bil. Hindi ko alam kung paanong maging attractive. Sa babae, madali ‘yun kasi konting make up lang at konting kembot ng baywang, ayos na. Lalo na kung maglalabas pa ng mga lihim nilang pang-akit.
Eh, ako isang fatboy. Wala naman akong mailalabas na attractive sa akin kundi ang mga bilbil ko.
Hindi ko tuloy maligawan ang crush ko sa school namin. Inabot na nga ako ng lockdown. Walang pasok, halos isang buwan. Lalo akong mananaba nito.
Mabuti na lang may internet sa bahay namin. Masusulyapan ko ang crush ko sa Instagram at sa fb.
Hanggang ngayon hindi pa ako nakakadiskarte sa kanya dahil nga mahina ang confidence ko. Pero vibes naman kami. Hindi niya nga lang alam na crush ko siya. Siguro nahahalata na niya ako. Mabuti at hindi kami tinutukso ng mga klasmeyt namin.
Marami na akong naging crush pero hanggang dun lang, kasi nga napaka-insecure ako. Kapag may umepal na, hindi na ako kumikibo at lumalayo na lang ako sa crush ko. Hindi ako sanay mag-diet. Kulang sa akin ang one full meal. Kain pa rin ako nang kain lalo ng hotdog.
So, paano po kaya ako magiging attractive sa crush ko?
Bil
Dear Bil,
Alam mo, cute nga kayong mga chubby. May mga girls na naa-attract sa tulad mo. Very friendly ang dating ninyo sa mga tao. Nasubukan mo na bang kumanta sa videoke? Try mo kasi marami ang chubby na maganda ang boses. Pwedeng maka-tulong ito sa pagbuo ng self-confidence mo.
Try mo ring i-discover ang mga hidden talent mo. Hindi lang naman kasi looks ang batayan para maging attractive ka sa iba, lalo na sa crush mo.
Saan ka ba ma-galing? Sa math ba o science? Paghusayan mo! Ang talino ay pwede ring maging asset mo para maging attractive ka.
Huwag masyadong mag-focus sa galing o katangian ng ibang tao. Focus ka kung saan ka magaling, bukod sa pagkain mo ng marami.
Tiyak na magiging attractive ka sa iba. Huwag mo ring ipilit ang sarili mo sa iba. May mga taong magugustuhan ka na hindi mo inaakala.
DR. LOVE