Hinagpis ng dating sanggano

Dear Dr. Love,

Dati po akong lulong sa bawal na droga pero nagbago na ako simula nang sumailalim ako sa rehabilitation. Kung may ibang mga adik na pabalik-balik sa rehab dahil muling nahahatak ng masamang bisyo, hindi po ako ‘yon.

Tawagin n’yo na lamang akong Nick, 26-anyos. Patay na ang aking mga magulang at kaisa-isa akong anak kaya natuto akong mabuhay ng sarili.  Noong araw, isa akong pinangingilagang sanggano sa aming lugar. Walang kaabug-abog, basta’t may dayuhan sa mga lugar ay ginugulpi ko kapag nakursunadahan ko.  Dalawang beses na rin akong nakulong ng mga tatlong buwan pero hindi pa ako nahatulan sa ano mang mabigat na kasong kriminal.

Marahil, ito ang ibinunga sa akin ng pagsama sa mga masasamang barkada na nanghikayat sa akin na gumamit ng marijuana at shabu. Pero sa rehabilitation, may misyonerong nangangaral ng salita ng Diyos at ng ako’y kanyang ipanalangin ay nadama ko ang paggalaw ng Diyos sa buhay ko. Tuluyan ko ng itinakwil ang bisyo at pati ang aking masamang ugali.

Apat na taon na akong bagong nilalang pero hirap akong tanggapin ng tao. Kahit sa trabaho, tanging construction worker lang ang napapasukan ko na hindi naman regular. Pati sa panliligaw ay palagi akong bina-basted ng mga babaeng kursunada ko.

Ano ang aking dapat gawin?

Nick

Dear Nick,

Huwag kang bibitiw sa bagong buhay na ibinigay sa iyo ng Diyos. Sa pamamagitan ng iyong mga ginagawang kabutihan ay mapapansin ka rin ng mga tao sa iyong paligid at manunumbalik ang tiwala sa iyo.

Sabi nga sa Salita ng Diyos, huwag ta-yong manghihinawa sa gawaing mabuti dahil sa takdang oras ay tatanggapin natin ang gantimpala ng Diyos. Eh, ano kung construction worker ka lang? Ang maha-laga ay may pinagkakakitaan ka sa disenteng paraan.

Ipakita mo pa lalo ang pagbabagong ibinigay sa iyo ng Diyos. Ibahagi mo sa iba ang Salita ng Diyos na nagpabago sa iyo. Sabi nga, maging buhay na patotoo ka sa iba.

DR. LOVE

Show comments