Walang sariling desisyon

Dear Dr. Love,

Ako po si Lovelyn. Isang taon palang kami ng asawa ko at wala pang anak. Naiinis po ako sa asawa ko, dahil kailangan pa namin laging magpaalam sa biyenan ko sa mga desisyon namin.

Wala naman akong against sa biyenan ko, kaso ang napapansin ko sa mister ko, wala siyang lakas ng loob na magdesisyon.

Pati nga ang pagpapakasal namin, sinangguni pa niya sa kanila.  Very supportive naman silang dalawa, ang biyenan kong lalaki at lalo na ang bi-yenan kong babae.

Bago lang kasi kaming nagsasama ng mister ko. Alam ko naman na kahit nung mag-bf pa kami, lagi siyang kumukonsulta sa mga magulang niya. ‘Yun lang naman ang problema ko sa mister ko. Alam niya ‘yan. Ang sabi niya, para raw hindi siya magkamali ng desisyon.

Kaso ako ang nahihiya sa kanila. Kasi minsan, pati ang pagba-budget ay kinukunsulta pa rin niya. Eh, ang dapat, ako na ang bahala roon. Nakikinig naman siya sa akin, pero hindi siya nagdedesisyon ng hindi dumadaan sa biyenan ko.

Hindi ko na ito sinabi sa mga magulang ko, baka kung ano pa ang isipin nila. Baka ma-misinterpret pa nila at awayin pa nila ang mister pati ang biyenan ko.

Iba rin kasi ang prinsipyo ng parents ko. Mabuti nga pumayag silang ikasal kami.

Mainam na raw sa civil na lang kami nagpakasal at sinunod ko pa rin ang gusto ng mister ko at biyenan ko.  Gusto ko sana na kaming da-lawa na lang ang laging magdesisyon at hindi puro kunsulta sa kanila.

Lovelyn

Dear Lovelyn,

Ok lang naman na kumunsulta ang mister mo sa biyenan mo. Sabi mo bago pa lang kayo, baka naman naga-adjust pa rin ang mister mo. Sabi mo rin, sanay siya na bago magdesisyon ay kumukonsulta muna sa parents niya.  ‘Yun nga lang dapat hindi all.

Kapag kasal na kayo, ang priority ng mister mo ay ikaw at ang magiging anak ninyo. Alalayan mo siya at huwag mong awayin.  Mas mainam na ikaw na ang magpaliwanag sa kanya ng mga bagay na pwede ninyong pagdesisyunan.

Lagi mo rin siyang kumbinsihin na dapat marunong siyang magpatakbo ng pamilya at hindi laging aasa sa kanyang mga magulang. 

Dr. Love

 

 

Show comments