Dear Dr. Love,
May girlfriend po ako ngayon. Hindi niya alam na sumulat ako sa inyo. Hindi ko kasi siya masakyan at hindi ako maka-adjust.
Marami siyang restrictions. Bawal ang barkada, dapat priority ko raw ang relationship namin. Kaya eto ako panay ang iwas sa mga dabarkads ko. Bawal na bawal lalo na ang pag-inom ng alak. Simula ng niligawan ko siya, iyon na kaagad ang number one rule niya.
Tuloy kinakantsawan nila akong papa bear. Hinahanap daw kasi ako lagi ni mama bear. Bawal ma-late sa date namin. Lalo na kapag magsisimba. Masyado siyang conscious sa oras. Kaya imbes na tulog pa ako, minsan tatawag na siya para gisingin ako.
Wala namang pangit sa ginagawa niya. Talaga lang hindi ako sanay sa seryosong relationship. Niligawan ko siya dahil simple at nakita kong magiging maayos naman ang relationship namin. Hirap lang po talaga akong mag-adjust.
Noon mga nauna kong gf kahit nga sa inuman kasa-kasama ko pa. Kahit minsan hindi ko siputin, ok lang. Nakukuha sa konting paliwanag. Ayoko po idetalye baka makarating sa kanya at pag-awayan pa namin.
Blue
Dear Blue,
Kapag pumasok ka sa isang relationship, dapat alam mong may kasunduan kayo. Hindi dahil obligasyon mong sumunod, bagkus sumusunod ka dahil mahal mo ang isang tao. Kasama ‘yan sa pagiging faithful mo.
Tatlong bagay, una bakit mo ba siya talaga niligawan? Kung napasagot mo siya, ang ibig sabihin may nagustuhan din siya sa iyo. Mainam na i-appreciate mo ang kanyang ginagawa. Hindi naman niya gagawin iyon kung wala siyang mabuting intensyon.
Pangalawa, ikaw na ang nagsabi na may mga girl na wala lang, kahit inuman ay pwede. Ayaw mo nun iniiwas ka niya sa bisyo?
Pangatlo, tama naman na dapat ang priority mo ay ang relationship ninyo. Para makita niya na talagang seryoso ka sa kanya.
Masasanay ka rin. Tiyak ko gaganda ang pagsasama ninyo kung lagi kang makikinig sa mga gusto niyang mangyari sa inyo. Hangad ko na pareho kayong mag-grow sa inyong relasyon.
DR. LOVE