Kabit

Dear Dr. Love,

Tawagin n’yo na lang po ako sa alyas na Linda. May lalaki akong minahal pero hindi ko maangkin ang oras niya. Madaling sabihin na mang-aagaw ang isang tulad ko dahil may asawa na siya at tatlong anak. Hindi ko naman akalaing mamahalin ko ang lalaking may mahal ng iba. Kabit lang kasi ako.

Biruan lang naman nung una. Driver siya ng aming kumpanya. Minsan nagkaayaan ng inuman. Kantsawan, bagay daw kami. Habang nalalasing nagiging emosyonal ako at hindi ko mapigilan na maging showy sa kanya dahil may crush ako sa kanya kahit hindi pa kami magkasama sa isang department.

Ang hindi ko alam, may pustahan na sila ng mga kasamahan naming lalaki. Susubukan daw nila kung mapapasagot ako ng lalaking sinasabi ko.

Sinakyan ko naman ang kalokohan nila. Pumayag ako at alam kong hindi siya seryoso dahil alam ko na kailangan lang niya ng pera. Kung tutuusin natulungan ko siya nung panahong ‘yun. Pero hindi ko naisip ang magiging bunga nito sa buhay ko.

Hindi na namin napigilan ang aming sarili. Nahulog na rin ang kanyang loob sa akin. Pinaaamin ko siya kaso panay ang deny niya. Tinanong ko rin sa kanya kung kaya niya akong panindigan.

Doon ko na-realize na hindi pala talaga ako dapat pumasok sa ganoong relasyon.

Nalaman na tuloy ng misis niya ng bigla kong sagutin ang cellphone, misis niya ang nakasagot. Sinabi ko na lang na wrong number. Pero matindi mag-imbestiga ang misis niya. Dalawang beses niya kami nahuling nagde-date.

Noong una may kasama kami kaya hindi halata. Pero nitong huli sa isang kainan sa Greenhills niya kami nahuli. Iniwanan niya ako at sumama siya sa kanyang asawang umiiyak. Mabuti at hindi nagtatalak ang kanyang asawa.

Ngayon, hiyang-hiya ako sa kanya at sa kanyang pamilya pero nadoon pa rin ang pa-ngungulila ko.

Linda

Dear Linda,

May responsibilidad na ang isang may asawa. Kaya nga siya naghahanapbuhay para kumita ng perang pangtustos sa kanyang pamilya. Hindi naman masama magmahal, pero sa tamang tao at panahon. Kaya tama lang na ibalik niya ang kanyang pansin sa asawa niya. Ipagdasal mo na bigyan ka ni Lord ng lalaking talagang para sa iyo.

Imbes na magmukmok ka, humanap ka ng paraan na magsimula muli sa maayos na buhay. Iwasan mo rin ang mga bagay na makapagpapahamak sa iyo. Huwag ka ring pabigla-bigla ng desisyon. Mas mainam na tumulong sa tamang paraan.

DR. LOVE

Show comments