Dear Dr. Love,
Isa po akong masugid ninyong mambabasa. Dati akong seaman, medyo nakaipon naman kami ng misis ko. Naka ilang byahe rin ako sa barko. Sa dalawampung taon ‘kong pagbibyahe, naging mataas na rin ang aking katungkulan. Kaso umabot na ako sa pagreretiro.
Sumulat ako dahil ilang taon na rin akong walang trabaho. Ang huling sakay na hindi ako pinayagan ng kumpanya ay nang matuklasan na namamaga ang aking kidney hanggang sa tuluyan na akong inoperahan. Kaya no choice ako kundi ang magpahinga.
Noong una, tanggap ko na hindi na ako pwedeng sumakay at magnenegosyo na lang ako. Kaso naging sakitin na ako at hindi na tulad ng dati. Kaya nagpahinga na lang ako sa bahay.
Salamat sa misis ko na nag-aalaga at tumutulong sa’kin para hindi maburyong ang utak ko.
Sinubukan kong muling mag-jogging kaso mabilis na akong hingalin.
Ibang iba nung may pera akong kinikita noon, sa ngayon na umaasa na lang sa naipon namin ni misis. May dalawa akong anak na nakapagtapos. Ang isa ay may asawa na at ang isa ay dalaga pa. Pareho silang maayos ang buhay. Minsan binibigyan ako ng mga anak ko pero ayaw kong tanggapin. Ayokong isipin nila na wala na akong silbi.
Nestor
Dear Nestor,
Maraming salamat po sa pagsubaybay at sa pagtangkilik sa Pilipino Star NGAYON. Kayo po ang aming inspirasyon kaya kami ginaganahang magserbisyo.
Huwag po kayong mag-alala, sa halip ay i-enjoy ninyo ang inyong buhay. Alam ng Panginoon na ginawa na ninyo ang inyong tungkulin para sa inyong mga anak at sa inyong mahal na asawa. Hinay-hinay lang din sa pagkain ng bawal.
Huwag din po kayong mahiya na tumanggap ng pera sa inyong mga anak, hindi naman siguro kawalan sa kanila ‘yon. Iyon naman ay tanda ng kanilang pagmamahal sa inyo. Alam po ninyo na pinagpapala ng Panginoon ang mga anak na nagmamalasakit sa kanilang magulang.
Maraming salamat pong muli.
DR. LOVE