Dear Dr. Love,
My warmest greetings to you. Itago mo na lang ako sa pseudonym na Max. I’m 25 years old at single pa rin.
Hindi mo naitatanong, pihikan ako sa pagpili ng girlfriend. Kaunting kapintasan lang sa kilos, kahit pa almost perfect ang beauty ay turn off na ako.
Nakilala ko si Loida sa isang company party. Kamag-anak siya ng isang supervisor doon. Sa unang tingin ko sa kanya ay attracted agad ako. Matangkad at bagay na bagay sa height kong 6’1.
Niligawan ko siya at nang minsang dalawin ko siya sa bahay nila sa Parañaque, nagpaalam siya na may kukunin lang siyang mga photos na ipapakita sa akin. Wala pang isang minuto, bumalik siya sa sala na iba na ang kasuotan. Mula sa pambahay na damit, nakapang-alis na siya.
Napangiti ang babaeng inakala kong siya at ipinakilala ang sarili na si Lora, kakambal ni Loida. Sa itsura, sa taas at pananalita ay wala silang pinag-iba. Tuwing magde-date kami ay kasama si Lora at magkaparehas pa sila ng damit. Pati ugali nila ay iisa. Pati ang mga bagay na gusto at ayaw nila ay magkatulad. Nalaman ko na share sila sa lahat ng bagay at nahahalata kong may gusto rin sa akin si Lora. Tinanong pa ako ni Lora kung payag daw akong mahalin ang kanyang kakambal kung sasagutin niya ako. Hindi ko siya agad nasagot sa tanong niya. Ngunit doon ako nagsimulang maging confused.
Nalilito ako. Sila ay perfect copies ng bawat isa. Ayaw ko naman na gawin nila akong parang kendi na pagsasaluhan. Mahal ko si Loida pero na-turn off ako sa kanilang magkakambal. Pero paano ko ito sasabihin na tinabangan na ako. Natatakot ako na baka kapag magkasintahan na kami ni Loida ay magpanggap si Lora na siya para maka-date ako?
Max
Dear Max,
Bakit ba pinoproblema mo ‘yan? Prangkahin mo si Loida at isiwalat ang inaayawan mo sa kanya. Sabihin mo nang diretsahan na ayaw mong hatiin ang sarili mo sa kanilang dalawa. Sabihin mo rin na sa inyong mga date, huwag na sana niyang isama ang kapatid dahil nalilito ka sa pagiging identical twin nila.
Kung papayag siya sa kondisyon mo, tapos ang problema mo. Ngunit kung hindi, eh ‘di ayawan mo na siya kahit hindi ka pa sinasagot.
Sa ibang materyal na bagay ay puwede silang mag-share pero hindi sa pag-ibig.
Dr. Love