Nasaan ka nang kailangan kita?

Dear Dr. Love,

 

Twenty-nine years old ako nang iwanan ng aking mister kaya naiatang ang lahat ng responsibilidad sa aking balikat pati na ang pagtataguyod sa aming apat na anak.

Ako po si Ira Misamis na ngayo’y malapit nang magsingkwenta anyos at kahit mahirap, matagumpay kong napagtapos sa kolehiyo ang aking mga anak sa trabaho ko bilang real estate agent.

Ang mister kong si Hilario ay matanda sa akin ng limang taon at siya ay naakit sa ibang babae. Ininda ko nung una ang paghihiwalay namin pero naisip ko na hindi ako dapat masiraan ng loob. Nagpatuloy ako sa aking nalalamang trabaho at sa tulong ng Diyos ay nakayanan kong itaguyod ang aking pamilya.

Ngayon, gustong makipagbalikan sa akin ng aking mister. Dumating siya sa bahay na iikaika at may tungkod. Namatay na raw ang babaeng kinasama niya kaya wala nang lumilingap sa kanya.

Mabigat sa loob ko na tanggapin siya sa tindi ng nagawa niyang pagkakasala sa aming pamilya na inabandona niya. Kahit ang mga anak ko ay hati ang opinyon. Sabi ng panganay, tanggapin namin siyang muli pero para sa bunso naming anak, huwag na.

Kung kayo ang nasa kalagayan ko, dapat ko ba siyang patawarin?

Ira Misamis

Dear Ira,

Patawarin mo siya. Lahat ng tao ay may malaking kasalanan sa Diyos pero buong pag-ibig niya tayong pinatawad sa kabila ng lahat. Kung hindi tayo magpapatawad sa kasalanan ng ating kapwa, paano natin maaasahang patatawarin tayo ng Panginoon?

Gaano man kabigat ang pagkakasala ng iyong asawa, siya pa rin ang ama ng iyong mga anak, at iyan ay hindi magbabago. At sa kalagayan niya ngayon na tila biktima siya ng stroke, higit niyang kailangan ang kakalinga sa kanya. 

Kausapin mo ang iyong mga anak at komo ikaw ang ina, igiit mo ang iyong desisyon na dapat patawarin ang nagkasala nilang ama. Kung minsan, ang pagpapakita ng pag-ibig ay hindi dapat bunsod ng emosyon, kundi ng tamang desisyon na gawin ang matuwid sa paningin ng Diyos.

Dr. Love

Show comments