Peke ang kasal

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Iris, 22-anyos. Masaklap ang naging karanasan ko. Mayroon akong boyfriend na pinagkatiwalaan ko. Ibinigay ko sa kanya ang lahat pati na ang aking pagkadalaga.

Natuwa ako nang pakasalan niya ako sa harap ng isang judge. Tatlong buwan na kaming nagsasama nang may babaeng sumugod sa aming tinitirhang apartment at inaway ako. Asawa raw siya ng mister ko. Hindi ako makapaniwala hanggang sa nalaman ko na fake ang aming kasal.

Hindi pala tunay ang aming kasal dahil hindi totoong hukom ang nagkasal sa amin, kundi isang kaibigang kinasapakat lang ng asawa ko. Hindi ko alam ang gagawin ko ngayon. Hindi rin batid ng aking pamilya ang nangyari at pihong magagalit ang mga magulang ko kapag nalaman ito.

Naguguluhan ako. Puwede ko bang idemanda ng bigamy ang lalaking ito na nameke ng aming kasal? Sana ay mapagpayuhan mo ako.

Iris

Dear Iris,

Malungkot ang karanasan mo at mara-ming kababaihan ang nabibiktima ng mga mapagsamantalang lalaki.

Hindi mo siya puwedeng idemanda ng bigamya dahil peke nga ang inyong kasal. Kung hindi nakarehistro ang inyong marriage, ibig sabihin walang kasalang naganap. Marahil, puwedeng falsification of public document na dito’y mananagot din ang nagpanggap na huwes na nagkasal sa inyo.

Kaso, mababa lang ang hatol sa ganyang paglabag at sa laki ng violation na nagawa sa iyo ng lalaking iyan, dapat mas mabigat na parusa ang ilapat sa kanya.

Kumunsulta ka sa isang abogado na higit na makatutulong sa mga hakbang na dapat mong gawin.

Dr. Love

Show comments