Dear Dr. Love,
Una po sa lahat, tanggapin ninyo ang aking pagbati sa inyo at sa lahat ng inyong tagasubaybay. Itago na lang ninyo ako sa pangalang Dolor Muresca 50-anyos at isang biyuda.
Kaisaisa kong anak si Boyet na ngayo’y nag-aaral ng chemical engineering at nasa unang taon pa lang. Kahit tindera lang ako ng karne sa palengke, pinipilit kong mairaos ang pag-aaral niya. Kahit mangutang ako, binibili ko siya ng mga damit at gadget para hindi siya maging kahiya-hiya sa kanyang mga kaklase.
Minsan, napansin kong malungkot siya. Una’y ayaw niyang magtapat pero sa katagalan ay humagulgol siya sa aking balikat. Nabuntis niya ang kanyang girlfriend na kapitbahay namin na isa ring estudyante sa senior high. Diyos ko, 19-anyos pa lang ang anak ko at ‘di pa nakakatapos sa kolehiyo. Wala akong magawa. Hindi ko makuhang magalit dahil mahal ko ang aking anak.
Hindi ko malaman ang aking gagawin. Mahirap din ang ina ng kanyang nabuntis na aking best friend at kumare. Single mother din siya na tulad ko. Ano kaya ang dapat kong gawin?
Pagpayuhan po ninyo ako.
Dolor
Dear Dolor,
Maraming kabataan ang pumapasok sa ganyang malaking problema, at kahit mali, obligadong tumulong ang magulang. Mag-usap kayo ng ina ng babae na best friend mo pala at planuhin ang dapat ninyong gawin. Madali naman marahil kayong magkakasundo dahil magkaibigang matalik kayo.
Para sa akin, makabubuti kung itutuloy ng iyong mga anak ang pag-aaral para magkaroon sila ng magandang kinabukasan. Pagkasunduan ninyo na huwag muna silang magsama hangga’t ‘di pa sila tapos ng pag-aral at pagtulungan ni-nyong magkumare ang pag-aaruga sa isisilang na baby.
Anak ninyo ang nagkamali pero dahil wala pa sila sa tamang edad, obligasyon ninyong sumaklolo sa kanila. Dapat na rin sigurong magkaroon ng part time job ang anak mo at maging working student dahil magkakaroon na siya ng anak.
Dr. Love