Dear Dr. Love,
Hindi naman gaanong mabigat ang problema ko sa love life. Pero para sa akin marami ang nasa parehong sitwasyon na gaya ko, nga lang hindi nagpapahalata. Malayo ako sa iba na ligawin dahil hindi ako maganda at sexy.
Sa totoo lang ay doble ang size ng katawan ko kaya medyo hirap akong maglakad dahil sa bigat ng aking katawan. Malakas kasi ako kumain ng kanin at walang kontrol. Kaya eto, malaki rin ang insecurity ko. Kaya hindi ako malapit sa mga lalaki. Madalas ako ma-bully na baboy, elepante o kaya dinasour.
Hindi ko gusto na maging ganito na lang ang buhay ko. Gaya ng ibang mga dalaga ay naghahangad din ako na may taong magbibigay ng importansiya at pagmamahal sa akin. Pero masaklap mang isipin mukhang panaginip na lang ang lahat para sa akin.
Ang sabi ng mga kaibigan ko, simulan ko na ang pagbabago at paunti-unting bawasan ang hilig ko sa pagkain. Sikapin ko rin daw na araw-araw na magpapawis.
Minsan ko nang sinunod ang payong ‘yun, pero nagkasakit naman ako. Hindi ako masaya sa kalagayan ko, payuhan po ninyo ako kung paano ko ganap na mababago ang sarili nang hindi naman parang torture ang mararanasan ko.
Maraming salamat po and more power.
Cristy
Dear Cristy,
Ang hangarin mong mabago ang kondisyon ng iyong pangangatawan ay positibong panimula, hindi lamang sa pisikal mong itsura kundi lalo na para sa iyong health. Ang kailangan mo na lang ay malaman ang tugmang hakbang para makapagbawas ka ng timbang.
Bagaman may connect ito para magka-love life ka, hindi ko matutukoy sa’yo ang tama at angkop na hakbang sa pagpapapayat. Kumunsulta ka sa professional physician para masiguro na hindi magiging banta sa kalusugan mo ang prosesong magagawa mo para rito.
Napagtagumpayan na ito ng marami, kaya siguradong magagawa mo rin. Gusto ko rin ipaalala na higit sa pisikal na anyo ang kainaman nang pagkakaroon ng mabuting kalooban. Kapag sexy ka na, keep your heart humble.
Dr. Love