Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Manny, 24 anyos at accountant sa isang kompanya.
Binata pa po ako at marami na rin akong naging girlfriend. Pihikan po ako sa pagpili ng girlfriend at kahit maganda ang babae, matagal bago ako magkaroon ng feelings para manligaw. Sa kaunting kapintasang makita ko, lalo na sa pag-uugali ay agad kong bini-break.
Sa pinapasukan kong kompanya, may bagong empleyadang pumasok at sa unang kita ko pa lang ay na-in love na ako. Ngayon lang po nangyari sa akin ito. Dati po, kahit gaano pa kaganda ang babae ay matagal bago ko ligawan.
Hindi ko pa siya nililigawan pero sa palitan namin ng tingin, alam kong magiging girlfriend ko siya. Naniniwala ba kayo sa love at first sight? Dapat ko bang ituloy ang panliligaw sa kanya?
Manny
Dear Manny,
Masyadong malalim ang katagang “love.” Bago ito umusbong, ang lalaki at babae ay nagkakakilala muna nang matagal at nagkakapalagayang loob.
Kaya hindi ako naniniwala sa pag-ibig sa unang pagkikita. Puwede pa, pagka-akit sa unang pagkikita dala marahil sa kagandahan ng babaeng nakaakit sa iyo.
Hindi ko sinasabing huwag mo siyang ligawan, ngunit kilalanin mo muna ng mabuti. Ikaw rin, sabi mo, sa kaunting kapintasang nakikita mo ay agad mong bini-break ang iyong kasintahan.
Kaya bago pumasok sa seryosong relasyon, mas makabubuting magkakilala muna kayo ng husto.
Dr. Love