Dear Dr. Love,
Danilo po ng Paco Manila. Hindi ko maintindihan kung bakit si kumpare pa ang kinampihan ng misis ko. Siya na nga ang may utang at nakaabala.
Inalok niya kami na bumili ng bahay sa Laguna, 3M. Nagustuhan ko dahil mura at sa bangko na magbabayad. Malaki at maganda ang bahay nang bumisita kami roon.
Humingi na agad ng 300K si Pareng George bilang paunang bayad daw sa bangko. Nagbigay naman kami agad ni misis. Tapos humingi uli siya ng 10K para raw makabitan ng kuryente dahil hindi raw nagbayad ang huling nakatira roon. Nagbigay kami uli.
Ang problema, wala kaming kasulatang pinanghahawakan. Lumipas na ang ilang buwan, hindi pa rin nag-update si kumpare. Kaya nag-alala na ako na baka niyari niya na ang pera namin.
Hindi nga ako nagkamali. Dahil nang magpunta kami sa bangko ay walang ibinayad si Kumpareng George. Tapos siya pa ang galit, parang wala raw kaming tiwala sa kanya.
Nagdesisyon kaming mag-asawa na bawiin na lang ang pera pero ang sabi niya may processing fee raw siyang ikakaltas na 50K. Lalo akong nagalit, nakadagdag pa rito nang malaman ko na nagbigay pa rin 50K si misis sa kanya. At ang hindi ko maintindihan ay pumayag ang asawa ko na 250K lang ang ibabalik ng kumag na ‘yun. Feeling ko tuloy, mas pinaboran pa ni misis ang lalaking iyon. Hindi ko matanggap na nilihim niya iyon sa akin. Kung iisipin kong mabuti, parang tama naman si misis, kasi nga para matigil na lang si kumpare. Pero kailangan bang ganoon na lang?
Danilo
Dear Danilo,
Kung magkakaroon ng kooperasyon ang inyong kumpare na ibalik ang perang kinuha niya sa inyo, mainam. Pero kung hindi, hingin n’yo na ang tulong ng awtoridad para papanagutin siya sa pang-eestafa sa inyo at para hindi na siya makapambiktima pa ng iba. Masaklap isipin na kung minsan kung sino pa ang hindi mo na itinuring iba ay siya pang gagawa ng pang-aabuso sa inyo. Sa susunod, huwag na basta magtitiwala at maging matalino lalo na kung malaking halaga ang nakalaan.
DR. LOVE