Dear Dr. Love,
Magandang araw po. Gardo po ng Novaliches. Sumulat po ako dahil hindi ko alam ang gagawin ko. Ayaw ko po kasing tawagin ako ng mga barkada ko na “takusa.” Nakilala ako ng misis ko na manginginom, may barkada at laging laman ng kalye. Pero masipag naman ako magtrabaho. ‘Yun nga lang kapag nagkayayaan kahit may pasok kinabukasan, tuloy ang tagay.
Ipinangako ko sa aking sarili na kapag nag-asawa na ako, magtitino na ako at iiwanan ko na ang lahat ng bisyo ko para sa aking asawa’t mga anak.
Pero hindi ko ito matupad-tupad. Isang aya lang sa akin ng mga barkada ko, sasama ako agad. Dahilan ko, laging may birthday at nagkatuwaan lang kami. Madalas kahit walang okasyon, laklak pa rin.
Kaso pag-uwi ko ng bahay, dakdak ang abot ko. Mas mabilis pa sa armalite ang karatak ng bunganga niya. Gusto ko sanang patulan pero hinahayaan ko na lang. Pasok sa kaliwang tenga, labas sa kanan.
Minsan dumarating sa puntong napipikon ako at nasisigawan ko siya. Mabuti na lang naiiwasan kong saktan siya. Sa kakasermon niya, naririndi ang utak ko.
Pati ang tatlong anak namin ay nadadamay. Sila ang napagbubuntunan ko ng galit.
Nahihiya rin ako sa kapitbahay namin dahil sa lakas ng boses niya. Ano ang magagawa ko mas nauna ang barkada ko kaysa sa kanya kaya hindi ko sila natatanggihan.
Kaya nga minsan nag-iisip ako kung bakit siya pa ang napangasawa ko. Mayroon naman dyang ibang babae na okey lang na umiinom ng alak ang kanilang mister.
Kung iiwasan ko naman ang aking mga barkada, eh baka tawagin nila akong “takusa”, takot sa asawa. Pero siyempre alam ko namang may pamilya na ako. Sana Dr. Love makuha kong tumigil sa pag-inom dahil mahal ko naman ang asawa’t mga anak ko.
Gardo
Dear Gardo,
Ikaw ang dapat manindigan sa iyong desisyon. Tanungin mo ang iyong sarili kung bakit ka pinatitigil ng asawa mo sa kakainom. Totoong hindi nakakatulong sa iyo ang pag-inom ng alak lalo na sa kalusugan mo.
Hangga’t maaga pa pag-isipan mo ito nang mabuti. Huwag kang padala sa sasabihin ng barkada mo sa iyo. Mahal ka ng misis mo, ayaw ka niyang mawala nang maaga.
Subukan mong maging matatag na ipaunawa sa iyong dabarkads na kahit asarin ka pa nila na “takusa” ka, hindi mo ipagpapalit ang pamilya mo para lang sa bisyo.
Dr. Love