Distant relative

Dear Dr. Love,

Umaasa po ako na matutulungan ninyo ako sa pamamagitan ng payo sa aking mabigat na problema sa pag-ibig.

Tawagin po ninyo akong Marise. Ang problema ko po ay ang aking boyfriend na si Kiko.

Umabot po ng two years ang aming relasyon. Masaya po ako palagi. Taglay ni Kiko ang mga katangiang hanap ko. Mabait siya, maalalahanin at mapagpakumbaba.

Minsan ay nagkakaroon din kami ng hindi pagkakaunawaan, pero hindi nagtatagal at nagbabati agad kami. Pero kamakailan ay nabigla kami nang malaman namin na magkamag-anak pala kami.

Nalaman ito ng ina ni Kiko nang minsang magkakuwentuhan sila. Sinabi po ng lola ko na kailangang makipaghiwalay ako agad kay Kiko dahil kamag-anak ko siya. Ang sabi naman ng ina ko, kung kamag-anak ko man si Kiko ay malayung-malayo na.

Kapwa kami nabigla ng boyfriend ko sa pasya ng aming mga relatives. Kailangan daw makausap namin ang lola ko at ina niya para magkaliwanagan.

Pero hanggang ngayon ay hindi pa kami nagkakausap. Ano po ba ang dapat kong gawin sakali’t magkamag-anak nga kami ng boyfriend ko? Nalilito na po ako. Hindi ko alam ang gagawin ko.

Marise


Dear Marise,

Hindi problema iyan. Kung nasa sapat kayong edad ni Kiko, ituloy ninyo ang inyong relasyon dahil magkamaganak man kayo ay malayo na.

Kung lahat ng magkamaganak ay hindi puwedeng mag-asawa, wala nang mag-aasawa dahil lahat tayo ay related mula pa kay Eba at Adan, hindi ba? Hindi mo lang nasabi kung papaano ang pagkakamag-anak ninyo ni Kiko. Pero kung lagpas na iyan sa third degree of consanguinity, walang problema iyan.

Dr. Love

Show comments