Dear Dr. Love,
Hi, Doc. Love. Please, just call me Rizza Mae. I have a boyfriend and kindly call him Cris.
Isang problema ang nais kong ihingi ng payo sa inyo at hangad kong matanggap ang inyong mahalagang payo.
Kapwa kami nasa college ng boyfriend ko. May hindi inaasahang pangyayari sa aming dalawa na bunga ng kapusukan. Doc. Love, naibigay ko sa kanya ang aking pagkababae at ito’y bagay na malalim kong pinag-iisipan dahil nagdududa ako kung mahal ko ba siya talaga o hindi.
Buti na lang at hindi nagbunga ang aming kapusukan.
Bakit po ganoon? Hindi ko naiisip na mahal niya talaga ako at bakit ko nagawa na ipagkaloob sa kanya ang aking pagkababae? Kahit na may nangyari na sa amin ay hindi ko malaman sa aking sarili kung mahal ko ba talaga siya at kung dapat ko ba siyang paniwalaan.
Sana mabigyan ninyo ng kalutasan ang aking problema.
Rizza Mae
Dear Rizza Mae,
Hindi ko rin maunawaan kung bakit nagawa mong maipagkaloob ang iyong sarili sa iyong nobyo kung hindi mo nasisiguro na mahal mo nga siya at kung mapanghahawakan mo ang kanyang matatamis na pangako sa iyo.
Maaaring nagkakaroon ka ng insecurities matapos na maisanla sa nobyo mo ang iyong puri, na sana ay iwasan mo nang maulit pa ngayong nakakapa mo ang sarili mo na walang ganap na katiyakang mahal mo siya at kung mahal ka rin niya.
Mababatid mo naman kung ang isang lalaki ay hindi ganap na tapat sa inyong unawaan, kung marami itong mga alibi, hindi na tulad nang dati na sweet, maalalahanin at maunawain.
Bakit hindi mo kausapin nang puso sa puso ang boyfriend mo para mawala na ang iyong agam-agam? Kung natatakot ka na baka kapag tinanong mo siya kung talaga ngang mahal ka niya ay sabihin niya ang totoo, ito ay tanda lang na hindi mo nga sigurado ang damdamin niya sa iyo.
Anyway, puspusan mong harapin ang pag-aaral mo para makatapos ka ng kolehiyo at gayundin sana siya.
Kung maka-graduate na kayo at maramdaman pa ninyo kapwang hindi ninyo magagawang lumayo sa isa’t isa, tunay nga ang pagmamahalan ninyo.
Dr. Love