Hiwalay

Dear Dr. Love,

Una sa lahat, binabati kita at ang lahat ng mga regular na suki ng iyong column. Harinawang  nasa maayos kang kalagayan sa pagtanggap mo ng aba kong liham na ito.

Ikubli mo na lang ako sa pangalang Lisa, isang negosyante at mayroon akong munting karinderya. Hiwalay ako sa asawa. Nakipaghiwalay ang mister ko sa akin, tatlong taon na ang nakalilipas.

Ang dahilan ay third party. May kinahumalingan siyang ibang babae.  Ipinasya kong itaguyod mag-isa ang aking dalawang anak. Ang bunso ko ay mag-aapat na taon na at ang panganay ay nasa grade two na.

Karamihan sa mga kumakain sa karin­derya ko ay mga jeepney drivers. May masugid na nanliligaw sa akin sa mga drivers na ito. Tawagin mo na lang siyang Tino.

Kung minsan, naiisip ko na malungkot ang nag-iisa at walang katuwang sa buhay. Pero kasal ako sa aking asawa na sumama sa ibang babae.

Iyan ang nagiging hadlang kung bakit ayaw kong mag-asawa muli.

Ano ang maipapayo mo sa akin?

Lisa

Dear Lisa,

Mahirap talaga para sa isang ina o ama na mag-isang itaguyod ang mga anak.  Hindi ako pabor sa paghihiwalay pero sa ilalim ng ating umiiral na Family Code, puwedeng mapawalang-bisa ang iyong kasal sa iyong asawa dahil sa marital infidelity.

Pero siyempre, may katumbas na halaga iyan at hindi maliit. Magbabayad ka ng abogado para maiproseso iyan.

Hindi ko karaniwang iniendorso ang pakikipaghiwalay pero kung talagang wala nang paraan para mabuong muli ang relasyon, mayroon naman tayong batas na puwedeng sundin.

Pero bago ka sumuong sa panibagong relasyon, dapat tiyakin mong liligaya ka na. Binata ba iyang nanliligaw sa iyo? Hindi mo nasabi kung ilang taon ka na pero dahil may dalawa ka nang anak, siguro nama’y may taglay ka nang talino upang gumawa ng tamang desisyon.

Dr. Love

Show comments