Ibig pang mag-asawa

Dear Dr. Love,

Greetings to you. Third time ko lang makabasa ng column mo and I made it a vow to read it always. Maganda ito at nakatutulong sa mga taong nangangailangan ng payo sa pag-ibig.

Sana ay nasa malusog kang kalagayan at walang problema sa pagtanggap mo sa sulat kong ito.

Isa rin ako sa mga gustong kumunsulta sa iyo bilang love counselor. Tawagin mo na lang akong Armand, 68-anyos at matagal nang biyudo. Taong 2005 nang yumao ang minamahal kong maybahay. Mula noon ay nagtiis ako at nagsikap na matutuhang mabuhay nang nag-iisa. Hindi madali pero ginawa ko.

Nasisiyahan na ako sa pagdalaw-dalaw sa mga anak ko at makipaglaro sa aking mga apo. Ngunit napatunayan ko na hindi pala sapat ito para mapunuan ang kakulangan sa buhay ng tao.

Malalaki na at may sari-sariling pamilya ang lima kong anak at nag-iisa na ako sa buhay. Nagkaroon ako ng girlfriend na 52-anyos. Isa ring biyuda.

Sa lima kong anak ay dalawa ang tumututol dahil matanda na raw ako. Sila na lang daw ang tutulong sa akin. Pero ang sabi ko, iba ‘yung may katabi ka sa gabi na dumaramay sa iyo kapag may nararamdaman kang sakit. ‘Yung tatlo kong anak ay okey lang sa plano ko.

Sa opinyon mo, dapat pa ba akong mag-asawang muli?

Armand

Dear Armand,

Walang pinipiling edad ang pag-aasawa. Kahit sino, hangga’t walang legal o moral na hadlang ay may karapatang kumuha ng kapareha sa buhay.

Kung tunay ang pag-ibig na nadarama mo, bakit naman hindi mo susundin ang iyong damdamin? Totoo na habang tumatanda ang tao ay lalong kailangan ang katuwang sa buhay na bagay na hindi maipagkakaloob ng anak at ta­nging asawa lang ang makapagdudulot.

Diyos na rin ang may sabi na hindi mabuti sa kanino man ang mag-isa sa buhay. Ang opinyon ng dalawa mong anak ay opinyon lang at nasa sa iyo kung susundin mo o hindi.

Dr. Love

Show comments