Takot sa relasyon

Dear Dr. Love,

Una sa lahat ay ipinaaabot ko sa inyo ang mabiyayang pagbati, Dr. Love. Itago mo na lang ako sa pangalang Rosselle, 21-anyos. Sa gulang kong ito ay hindi pa ako nagkaka-boyfriend sa maniwala kayo o hindi. Ang dahilan, natatakot akong umibig.

Tatlo kaming magkakapatid at ako lang ang babae at panganay pa. Tatlo rin ang aming ama.

Hindi mapalad sa pag-ibig ang aking ina na ngayon ay 42-anyos na. Masuwerte naman siya sa pagnenegosyo kaya nakaya niyang itaguyod kaming magkakapatid. Nakatapos ako ng accountancy.

Ang nanay ko ay naging man-hater dahil iniwan siya ng lahat nang naka-relasyon niya matapos mabuntis. Ayaw kong mangyari sa akin iyon. Ngayon ay marami akong manliligaw. May napupusuan din ako sa kanila pero takot akong magmahal. Baka magaya ako sa aking nanay.

Ano maipapayo mo sa akin?

Rosselle

Dear Rosselle,

Hindi ka dapat matakot umibig. Lakipan mo lang ang iyong pagpasok sa isang relasyon ng pagpapahalaga sa sarili.

Masyadong naging mapagpaubaya ang nanay mo at sa lahat ng lalaking nakarelasyon ay agad niyang ibinigay ang kanyang pagkababae.

Mapalad ka kung wala pang nakakaangkin sa iyong pagkababae. Ipagpatuloy mo iyan dahil isang katangian iyan para makatagpo ka ng lalaking magpapahalaga sa iyo.

Okey lang na sagutin ang lalaking mahal mo, basta siguraduhin mong mahal ka rin niya. At huwag mong isusuko ang iyong pagkababae at ilaan mo lang ito matapos kayong makasal.

Kapag nakita ng lalaki ang pagpapahalaga mo sa pagkababae mo, asahan mong igagalang ka at mamahalin.

Dr. Love

Show comments